Ebanghelyo: Lucas 13:1-9
Dumating ang ilang tao na nagbalita kay Hesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinasabi ni Hesus sa kanila: “Sa akala n’yo ba’y mas makasalanan ang taga-Galileang iyon kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ang tore sa Siloe, sa akala n’yo ba’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, ngunit kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Hesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta siya para maghanap ng mga bunga subalit wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo iyan at pampasikip lang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na siya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga siya ngunit kung hindi’y saka mo siya putulin.’ ”
Pagninilay:
Bilang trentahin, mahilig daw kami sa mga side quest, o mga gawaing nagpapanatili sa aming youth-fulness. Ang iba, gawaing pisikal, tulad ng pickleball, mountain hiking, o pagtakbo kada weekend, samantalang may mga kagaya ko na mas personal ang side quest – ang pagiging “plantito,” o pagkahumaling sa gardening at paghahalaman. May ibang angking saya ang pagtatanim, lalo na kapag nakita ang mga alagang halaman na namumunga pagkatapos ng mahabang panahon ng pag-aalaga, pagdidilig, at pagpapataba ng lupa.
Ganito rin ang hangad ng Diyos Ama sa tagpo ng Mabuting Balita ngayon: ang maging mabungang mga anak dala ng kanyang pagkandili’t pagmamahal para sa atin. Ngunit katulad ng mga halamang ayaw mamunga sa di-maunawaang kadahilanan, maari rin tayong maging inutil o baog sa buhay-pananampalataya; sapagkat sa kabila ng maraming biyayang ibinuhos sa atin na siksik, liglig, at umaapaw mula sa awa ng Diyos ay hindi tayo nakikiayon sa pagbabago ng puso na kalakip nito. Ang espirituwal na pagkabaog ay dala ng ating pagkamakasarili sapagkat imbis na maging daluyan tayo ng biyaya ay kinakamkam natin ito at pinapawalang-bisa. Imbis na dalisay ang pag-iibigan, binabaluktot natin ito sa tuwing ginagawang gamitan ang pakikipag-ugnayan. Ngunit kung hahayaan nating panibaguhin tayo ng pag-ibig na ating natatanggap mula sa Diyos at kapwa, tayo rin ay magiging daanan ng pagmamahalan hanggat ang lahat ay matigib sa tunay na pag-ibig!
Mga kapatid, ika nga ni San Ireneo, “ang kaluwalhatian ng Diyos ay ang taong lubusang nabubuhay.” Hilingin natin ngayon sa Diyos Ama na, sa pamamagitan ni Kristong kanyang Anak, ay matamasa natin ang buhay na ganap at kasiya-siya upang sa tulong ng Espiritung Banal ay matipon natin ang mga biyaya ng araw-araw at makatugon sa dakilang pag-ibig na ito sa ating pagmamahal at paglilingkod sa isa’t isa.
- Cl. Russel Patolot, ssp | Society of St. Paul