Ebanghelyo: Mateo 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Hesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” Sumagot si Hesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may isa pang ikalawa na tulad nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.
Pagninilay:
Naging punto ng pagtatalo para sa mga tagapagturo ng Salita ng Diyos sa Israel, o mga tinatawag na rabbi, kung alin sa mga utos ng Diyos ang dapat ituring na una sa lahat. Gusto nilang matukoy kung ano ang pinakamahalaga o ang maaaring gawing batayan para sa iba pang mga batas. Mula kasi sa Sampung Utos na ibinigay ng Diyos kay Moises sa bundok ng Sinai, pinalawig ng mga rabbi ang sampu hanggang sa dumami ang mga ito. Walang kagatol-gatol ang sagot ni Hesus sa mga nagtanong na Pariseo: Ibigin mo ang Diyos nang higit sa lahat, at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili. Kaagad, natunton ng mga Pariseo kung saan kinuha ni Hesus ang kanyang naging tugon. Ang utos tungkol sa pag-ibig sa Diyos ay halaw sa aklat ng Deuteronomio samantalang ang utos tungkol sa pag-ibig sa kapwa ay mula naman sa aklat ng Levitico. Isang utos lamang ang hiningi ng mga Pariseo ngunit maliwanag na dalawa ang ibinigay ni Hesus. Dalawa ayon sa pagbibilang ng tao, ngunit iisa lamang ito sa pagtingin ni Hesus. Hindi mangyayari ang pag-ibig sa Diyos kung wala ang pag-ibig sa kapwa. Gayon din naman, walang maituturing na totoong pag-ibig sa kapwa kung hindi ito nagbubukal sa ating pag-ibig sa Diyos.
Sa Parabola ng Mabuting Samaritano na kuwento ni Hesus, itinuro niya ang magandang halimbawa ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Lumilitaw sa parabola na ang nagpakita ng tunay na pag-ibig sa kapwa ay ang kaaway ng mga Judio na isang Samaritano. Sa kultura ng kanyang panahon, hindi obligado ang Samaritano na tulungan ang Judiong nakahandusay sa lansangan dahil kalaban nga ito ng kanilang lahi. Dapat sana’y ang saserdote o ang Levita na kapwa Judio ang nagdalang-habag sa biktima ngunit pareho silang umiwas at hindi nakisangkot. Sa dakong huli, tinanong ni Hesus kung sino ang naging tunay na kapwa para sa nasugatan.
Panginoon, madali pong ibigin ang mga taong nagpapakita sa amin ng kabutihan. Tulungan mo po kami na umibig nang tapat sa iyo para ang pag-ibig na handog namin sa iyo ay siya rin naming maibigay sa aming kapwa, lalo na sa mga taong mahirap ibigin at patawarin.
- Fr. Paul Marquez, SSP | Society of St. Paul