Ebanghelyo: Lucas 13:10-17
Nagtuturo si Hesus sa isang sinagoga sa Araw ng Pahinga, at may isang babae roon. Labingwalong taon na siyang may espiritung nagbibigay-sakit; nakakandakuba na siya at di makatingala. Pagkakita sa kanya ni Hesus, tinawag siya nito at sinabi: “Babae, lumaya ka sa iyong sakit”. Ipinatong nito sa kanya ang mga kamay at agad na nakatayo nang tuwid ang babae at nagpuri sa Diyos. Nagalit ang pangulo ng sinagoga dahil nagpagaling si Hesus sa Araw ng Pahinga kaya sinabi niya sa mga tao: “May anim na araw para magtrabaho kaya sa mga araw na iyon kayo pumarito para mapagaling, hindi sa Araw ng Pahinga!” Sinagot siya ng Panginoon: “Mga mapagkunwari, hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kanyang baka o asno mula sa sabsaban nito sa Araw ng Pahinga at inilalabas para painumin? At isang babae naman ang narito na Anak ni Abraham na labinwalong taon nang iginapos ni Satanas. Di ba siya dapat kalagan sa Araw ng Pahinga?” Napahiya ang lahat niyang kalaban pagkarinig sa kanya pero nagalak naman ang mga tao sa lahat ng kahanga-hangang ginagawa ni Hesus.
Pagninilay:
Labingwalong taon nang nakayuko ang babae. Labingwalong taon ng sakit, hirap, at marahil paulit-ulit na tanong: “Ganito na lang ba ako habambuhay?” Hindi natin alam ang lahat ng pinagdaanan niya, ngunit alam natin ang isang bagay: nakita siya ni Hesus.
Napakaganda nito. Sa gitna ng madla, napansin ni Hesus ang isang taong matagal nang nagdurusa. Tinawag Siya ni Hesus at sinabihan: “Malaya ka na sa iyong karamdaman.” At nang hawakan siya ni Hesus, muli siyang nakatayo nang tuwid at nagpuri siya sa Diyos.
Marahil may mga bagay din tayong matagal nang pasan. Hindi man tayo hukot, maaaring nakayuko ang ating puso dahil sa sama ng loob, takot, pagkabigo, pagod, inggit, insecurity, guilt, sugat na matagal nang hindi natin hinaharap, o mental health issue na hindi natin maipaliwanag sa iba dahil alam nating hindi nila tayo maiintindihan. Matutulungan ba nila tayo? Minsan, nasanay na tayo sa bigat kaya iniisip nating bahagi na lamang ito ng buhay. Tinatawag tayo ni Hesus: “Tumayo ka.” Hindi ibig sabihin na mawawala agad ang lahat ng problema. Ngunit inaanyayahan Niya tayong huwag manatiling bihag ng mga bagay na matagal nang nagpapabigat sa atin. Kapansin-pansin din na siempre hindi ang babaeng gumaling ang nagalit sa himala kundi ang tagapamahala ng sinagoga. Minsan, mas madali nating bigyang-halaga ang mga tuntunin kaysa sa tao. Abala tayo sa pagiging matuwid pero nakakalimot maging maawain. Maaari nating ipaglaban ang ating prinsipyo na makakasakit naman ng isang pusong nangangailangan.
Kaya mga kapatid, tanungin natin ang ating sarili: May tao bang kailangan kong tingnan nang may habag kaysa hatulan? May sugat ba akong kailangang ipaubaya kay Hesus? May bagay ba akong kailangang bitawan upang muli akong makatayo? Hindi nakabatay ang tunay na kabanalan sa pagsunod lamang ng mga tuntunin. Pagkakaroon din ito ng pusong katulad ni Hesus: pusong nakakakita, may malasakit, humahawak, nagpapalaya, at nagbibigay-buhay.
– Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul