Ebanghelyo: Lucas 13:18-21
Sinabi ni Hesus: “Ano ang katulad ng Kaharian ng Diyos? Sa ano ito maikukumpara? Tulad ito sa buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at itinanim sa kanyang hardin: lumaki, naging parang puno at sumisilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon ng Langit.” At sinabi niya uli: “Sa ano ko ikukumpara ang Kaharian ng Diyos? Katulad ito ng lebadura na kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”
Pagninilay:
Kapatid, nakakita ka na ba ng buto ng mustasa? Napakaliit nito. Parang tuldok ng ballpen na point 1. O kaya naman, ng pagluluto ng pandesal. Isang maliit na kumpol ng minasang harina ay aalsa kasi nalagyan ng lebadura. Ganito rin nagsisimula ang paghahari ng Diyos sa ating buhay. Mula sa maliit na simula umuusbong ang malalim na ugnayan at pananampalataya sa Diyos. Naalala ko noong Grade III yata ako noon; pagkatapos kong tumanggap ng First Communion, sinikap kong laging magsimba sa araw ng Linggo, kahit minsan mag-isa lang ako; nakatsinelas lang dahil umuulan, kasi ayaw kong mabasa ang sapatos ko. Ayokong mag-absent kasi ma-mi-miss ko si Hesus sa Komunyon. Hindi ko namalayan, napalapit na pala ako kay Hesus at kay Mama Mary. Sa pagnanais kong laging tumanggap ng komunyon, kinailangan kong magsumikap na maging mabuti at mabait. Nag-umpisa sa isang munting hangarin, nauwi sa pang-habambuhay na pagtatalaga ng sarili kay Hesus bilang madre.
Ganito rin ang kasikatan ni Alex Eala sa larangan ng tennis na nag-umpisa sa pangarap ng isang munting batang nakasuot ng medyas na may ruffles. Pinagtibay ng disiplina at pagsasanay, sakripisyo at pagsisikap, hanggang sa maabot niya ang tagumpay. Sa kabilang dako, ganito rin gumagalaw ang demonyo sa pagsira sa buhay ng tao. Tulad sya ng lebadura na kapag hinalo sa harina ay nagpapaalsa sa buong masa. Naniniwala akong walang taong ipinanganak na masama. Maaaring nag-umpisa ito sa pangungupit ng barya sa wallet ng mga magulang, o kaya’y pagsisinungaling na may contribution sa paaralan kahit wala naman, hanggang sa masanay na, at makapagnakaw sa bayan ng milyones gaya ng flood control projects at confidential funds.
Panalangin: Panginoon, tulungan mo po kaming maging mabuting impluwensiya sa isa’t isa. Huwag nawa kaming lamunin ng mga bulok na sistema, bagkus ay magsilbi kaming ilaw sa gitna ng dilim. Amen.
– Sr. Lourdes Ranara, fsp | Daughters of St. Paul