Ebanghelyo: Lucas 6:12-19
Umakyat si Hesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito: si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo. Pagkababa kasama nila tumugil si Hesus a isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem , at mula sa baybayin dako ng tiro at Sidon ang dumating para makinig sa kanya, at mapagaling sa kanilang karamdaman. Guamling din ang pinahihirapan ng masasamang Espiritu kaya sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya na nag papagaling sa lahat.
Pagninilay:
Magandang araw, mga kapatid, at maligayang kapistahan nina San Simon at San Judas Tadeo, dalawang ordinaryong taong pinili ni Hesus para sa isang extraordinaryong misyon. Sa Ebanghelyo, narinig natin na bago piliin ni Hesus ang labindalawa, umakyat muna Siya sa bundok at magdamag na nanalangin, kaya ang unang mensahe: MANALANGIN BAGO PUMILI. Minsan kasi baliktad ang nangyayari sa atin, nagdedesisyon muna tayo bago magdasal, tapos saka sasabihin, “Lord, sana tama itong pinili ko,” na para bang for confirmation na lang ang iniintay natin sa Panginoon. Kapatid, mahalaga ang panalangin. Pero tatandaan na sa panalangin, hindi lang tayo nagsasalita sa Diyos; natututo rin tayong makinig. Hindi natin siya inuutusan, pero pinakikinggan natin siya para tayo ay samahan at gabayan.
Sa buhay ko bilang pari, may mga pagkakataong tinatanong ko rin ang sarili ko, “Lord, tama ba talaga itong desisyong ito. Kakayanin ko ba?” At doon ko unti-unting natutunan na hindi laging ibinibigay ng Diyos ang buong mapa; minsan, sapat na ang liwanag para sa susunod na hakbang. Kaya sa malalaking desisyon sa buhay, matutong lumuhod muna bago tumakbo para sigurado tayong may panuto.
Ang ikalawang mensahe ng Ebanghelyo sa atin ngayong araw ay SUMUNOD KAPAG TINAWAG. Hindi pinili ni Hesus sina Simon at Judas dahil perpekto sila, kundi dahil handa silang sumunod at magpabago sa Kanya. At ganoon din po sa atin, madalas nating sinasabi, “Lord, hindi ako karapat-dapat; ang dami kong pagkukulang. Ang dami kong kahinaan. Okay lang po ’yan at normal siyang maramdaman! Tulad ng mga apostol, hindi hinihintay ng Diyos na maging perpekto tayo bago Niya tayo tawagin. Tinatawag Niya tayo upang sa ating pagsunod, unti-unti Niya tayong gawing banal. Sa panawagan niyang mag-misyon, hindi naman natin kailangang maging sikat. Minsan at madalas, ang hinihingi lang sa atin ay maging mabuting magulang, tapat na asawa, mabuting anak, responsable sa trabaho, o kaibigang marunong umalalay. Kapatid, hindi kailangang maging malaking bagay ang ginagawa natin; gawin lamang ito nang may malaking pagmamahal. Sapat na ito sa pakikisalo natin sa misyon ni Hesus.
At kung nahihirapan kang sumunod dahil hindi mo nakikita ang dulo ng daan, tandaan: ang pagiging pinili ng Diyos ay hindi nangangahulugang magiging madali ang buhay, kundi hindi ka Niya iiwan sa paglalakbay. Kaya huwag nating sabihin, “Kaya ko ba ito?” kundi “Lord, saan Mo ako gustong dalhin?” At kung pakiramdam mo ay napakalayo mo na sa Diyos dahil sa iyong mga pagkakamali, tandaan: bago mo pa Siya hanapin, hinahanap ka na Niya; bago mo pa Siya piliin, pinili ka na Niya. Kaya mga kapatid, MANALANGIN bago pumili, SUMUNOD kapag tinawag, at MANATILI kahit mahirap. Dahil iyan ang katotohanan, ang Diyos na tumawag sa atin ay Siya ring Diyos na sasamahan tayo hanggang dulo. Kaya nga, bago pa natin sabihin, “Lord, pipiliin Kita,” siya na ang unang nagsabi sa atin: “Anak, pinili na kita.”
– Fr. Mat De Guzman | Archdiocese of Manila