Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 29, 2026 – Huwebes, Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 13:31-35

Dumating ang ilang Pariseo at binalaan siya: “Umalis ka rito at pumunta sa ibang lugar. Gusto kasing ipapatay ni Herodes.” Sinabi naman ni Hesus: “Puntahan n’yo ang musang na ‘yon at sabihin sa kanya: ‘Ngayon at bukas ay nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling at nasa ikatlong araw ang katapusan ko. Subalit dapat akong maglakad ngayon, bukas at sa susunod na araw sapagkat hindi bagay na mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta. Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang Mga Propeta at binabato ang mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ginustong tipunin ang iyong mga anak gaya ng pagyupyop ng inahin sa kanyang mga sisiw ngunit tumanggi ka nga. Ngayon, maiiwan sa inyo ang inyong bahay. Sinasabi ko nga sa inyo na hindi n’yo na ako makikita hanggang di sumasapit ang panahon na sabihin n’yong ‘Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.’”

Pagninilay:

Sa Ebanghelyo ngayon, may mga Pariseong nagbabala kay Hesus ukol sa balak na pagpapatay sa Kanya ni Herodes. Ngunit hindi Siya natakot, kundi nagpatuloy pa rin Siya sa Kanyang gawaing pagpapagaling sa mga may sakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Nanatili si Hesus sa Kanyang misyon kahit alam Niyang may kapalit na kamatayan ang pagtupad Niya sa kalooban ng Ama. Hindi Siya umatras; hindi Siya natinag. Ganito ang tunay na debosyon: hindi umiiwas sa hirap, kundi tapat hanggang wakas.

Hinarap din ni Hesus ang Jerusalem sa Kanyang panawagan: ang lungsod na matagal nang naghihintay sa Mesiyas. Gusto Niya silang kupkupin, tulad ng inahing nag-aaruga ng sisiw. Pero ayaw nila Siyang tanggapin o kilalanin. Naroon na ang Mesiyas sa piling nila, gumagawa ng himala at nagpapagaling ng mga may sakit, pero hindi nila Siya makita o pilit nilang itinatanggi.

Minsan, ganito rin tayo. Matagal na nating idinadalangin ang isang bagay, ngunit hindi natin namama-layang nasa harapan na pala natin ito. Nakakalungkot man isipin, pero minsan, napapansin lang natin ito kapag wala na at hindi na natin ito mabawi pa. Hindi tumitigil ang Diyos sa paggawa ng mabuti. Kaya buksan natin ang ating mga mata. Kapatid, tanungin natin ang ating sarili: ano ang biyaya o sagot sa ating mga pana langin na nasa harapan na natin ngayon, pero hindi pa rin natin nakikita?

Panalangin: Panginoong Hesus, maraming salamat sa lahat ng biyayang ibinibigay Mo sa amin araw-araw. Patawarin Mo kami sa mga pagkakataong hindi namin nakita o kinilala ang Iyong presensya sa aming buhay. Buksan Mo ang aming mga mata upang makita namin ang Iyong mga biyaya, anuman ang anyo nito. Turuan Mo kaming pahalagahan ang mga tao at biyayang nasa harapan na namin ngayon. Bigyan Mo rin kami ng lakas at tapang na ipagpatuloy ang misyong ibinigay Mo sa bawat isa sa amin. Amen.

–         Florence Ann De Castro ng Order of Consecrated Virgins ng Archdiocese of Manila