Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 19, 2026 – Lunes, Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 12:13-21

Sinabi kay Hesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Hesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati n’yo? “At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” At idinagdag ni Hesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, may marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinitubo para sa Diyos.”

Pagninilay:

Hangal! Ito ang sinabi ni Hesus sa taong gustong magpatayo ng malaking bodega na malalagyan ng kanyang masaganang ani. Masama ba ang mag-imbak para sa kinabukasan? Hindi. Dapat nga itong gawin. Ang masama ay ang mag-imbak ng sobra-sobra para sa sariling kapakanan at walang malasakit sa iba. Ang hangad ng sakim ay more and more pa, kahit ng mga bagay na hindi necessary. Pwedeng pera, ari-arian, kapangyarihan, katanyagan, titolo, at iba pa. Ayaw niyang maubusan. Gusto niya ng seguridad. Ngunit ang seguridad na galing sa mga bagay ng mundo ay madaling maglaho. Hindi ito makapupuno sa puso ng tao na nauuhaw sa Diyos at sa tunay na pagkakapatiran sa kapwa. Ang kasakiman ay isang sakit – kawalang-tiwala ito sa Diyos. Pero, kapatid, sandali lang. Baka infected rin tayo. Nag-uumpisa ito sa maliit na bagay. Tingnan daw natin ang ating mga cabinets. May mga bagay ba diyan na naluluma na kasi hindi naman ginagamit pero ayaw mong ipamigay? Sa kolekta sa simbahan, hinuhulog ba natin ang pinakamaliit na barya lang? Tawad ba tayo ng tawad sa mga maliliit na vendors? Nag-aalay ba tayo ng ating kakayahan sa mga mahihirap nang libre? Labanan natin ang kasakiman. Pairalin natin ang mga antidotes: Declutter –bawasan ang mga hindi kailangan; itaguyod ang prinsipyo ng “Sapat” at minimalist – simple living, pagbabahagi nang kaunti sa kapwa.

Manalangin tayo:

Panginoon, Ikaw ang aming tanging yaman. Sa piling Mo, hindi kami mauubusan. Turuan Mo kaming sundan ang Iyong halimbawa, na maging mapagbigay at hindi mapag-angkin. Amen.

  • Sr. Vangie Canag, fsp