Ebanghelyo: Mateo 22:15-21
Umurong ang mga Pariseo at nagpulong kung paano nila huhulihin si Hesus sa sarili niyang mga salita. Kaya ipinadala nila ang kanilang mga alagad kasama ng mga kampi kay Herodes.
Sinabi nila kay Hesus: “Guro, nalalaman namin na tapat kang tao at tunay na nagtuturo ng daan ng Diyos; hindi ka napadadala sa iba at nagsasalita hindi ayon sa kalagayan ng tao. Kaya ano ang palagay mo ayon ba sa Batas na magbayad ng Buwis sa Cesar? Dapat ba tayong magbayad sa kanya o hindi?”
Alam naman ni Hesus ang masama nilang pakay, at sinabi niya sa kanila: Mga mapagkunwari! Bakit ninyo ako sinusubukan? Ipakita ninyo sa akin ang perang pambuwis.”
Ipinakita nila ng isang denaryo, at sinabi sa kanila ni Hesus. “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan Sumagot sila: “Ang Cesar.” at sinabi niya sa kanila:”Kung gayon, ibigay sa Cesar ang para sa Cesar at sa Diyos ang para sa Diyos.”
Pagninilay:
Nangyari ang tagpong ito noong mga huling araw ni Hesus sa Jerusalem, bago ang Kanyang pagpapakasakit. Nakapasok na Siya sa lungsod, nilinis na ang Templo, at patuloy pa rin ang mga Pariseo sa paggawa ng patibong upang supilin si Hesus. Ito ang kanilang bagong entry: “Nararapat ba o hindi na magbayad ng buwis sa Cesar?” Dahil ang mga Hudyo ay sinakop ng mga Romano, kinakailangan din nilang magbayad sa kanila ng buwis na ang tawag po ay Census Tax. Hindi basta pera, kailangan mo pang ipapalit ng barya na may mukha ni Cesar. Cesar ay Roman Emperor. Si Hesus ay isang Hudio at ang dapat kilalaning Hari ng mga Hudio ay ang Diyos. Eh dahil sakop ng Romano ang mga Hudio napipilitang silang kilalalaning Hari si Cesar. So saan siya lulugar? sino ang kanyang kikilalanin: Ang Diyos o Ang Cesar?
Ito po ang plot twist sa Ebanghelyo, dalawang grupo ang nagtatanong: mga alagad ng Pariseo na naniniwalang Diyos lang ang marapat kilalanin, at mga Herodiano na alagad ng mga Romano ni Cesar. Ang sagot po ni Hesus: Ibigay kay Cesar ang kay Cesar, ibigay sa Diyos ang nararapat sa Diyos. Ang naninindigan para sa Diyos, kahit sa mata ng mundo talo ka, pero sa kaharian niya PANALO KA. At sa maraming pagkakataon sa ating buhay, bakit hindi nananalo ang Diyos? Dahil sa sindak, takot, pagpapasakop natin sa mga maka-mundong bagay, mga Cesar ng ating buhay.
Marapat pong piliin natin si Hesus, dahil tayo’y nilikhang kawangis, ang bawat isa sa atin ay may larawan ng Diyos nakaukit sa puso…may dignidad. Kaya manindigan ka para sa Diyos, huwag kang papatalo. Amen.
- Fr. Vinz Aurellano, ssp | Society of St. Paul