Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 17, 2026 – Sabado, Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 12:8-12

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos. Patatawarin ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ngunit hindi patatawarin ang lumait sa Espiritu Santo. Dalhin man nila kayo sa harap ng mga makapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.”

Pagninilay:

Madaling sabi-hing naniniwala tayo kay Hesus kapag ligtas, komportable, at kasama natin ang mga taong may parehong pananampalataya. Ngunit iba ang hamon sa Mabuting Balita ngayon: “Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao…” Hindi lamang ito tungkol sa pagsasabi ng “Kristiyano ako.” Mas malalim ito.  Ang tunay na pagkilala kay Hesus ay pagkakaroon ng lakas ng loob na ipakita sa ating mga desisyon, salita, asal, at pakikitungo kung sino ang sinusundan natin. May mga pagkakataong tahimik nating ikinakaila si Hesus. Kelan? Kapag alam nating mali ang isang bagay ngunit nananahimik tayo dahil ayaw nating mapansin. Kapag mas pinipili nating makisabay kaysa manin-digan. Kapag sa harap ng iba ay mabait tayo, ngunit sa pribado ay mapanakit sa salita. Kapag ipinagmamalaki natin ang ating pananampalataya ngunit hindi ito nakikita sa paraan ng pakikitungo natin sa kapwa. Hindi naman hinihingi ni Hesus na lagi tayong maging palaban o makipagtalo. Sa halip, tinuturuan Niya tayong maging matapang na may habag at malasakit. At dito napakahalaga ng pangako ni Hesus: “Ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin.” Ibig sabihin, hindi natin kailangang umasa lamang sa sariling talino o tapang. Kapag dumating ang mga hamon: ang pagtutol, puna, hindi pagkakaunawaan, o pagkakataong kailangan nating manindigan, maaari tayong huminto, manalangin, at makinig sa Espiritu Santo. Nga-yong araw, tanungin natin ang ating sarili: Makikilala ba ng ibang tao si Hesus sa paraan ng aking pamumuhay? Sa aking pananalita? Sa paraan ng pagtugon o pagreact ko kapag nasasaktan ako? Sa paraan ng paggamit ko ng kapangyarihan, talento, oras, at media? Hindi kailangang laging maraming sinasabi ang tunay na saksi ni Hesus. Isang buhay na tapat, mapagpatawad, mahinahon, makatarungan, at may malasakit ang pinaka-mainam na pangangaral. Mga kapatid, huwag po nating ikahiya si Hesus. At higit sa lahat, huwag nating hayaang ang ating buhay ang maging dahilan upang hindi Siya makilala ng iba. Buong puso nating kilalanin si Hesus, ipahayag at ipakita Siya sa ating pamumuhay.

–         Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul