Ebanghelyo: Lucas 12:1-7
Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari. Walang tinatakpan na hindi mabubunyag, walang natatago na hindi malalaman. Kaya naman ang sinabi n’yo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong n’yo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag. Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag n’yong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawang anuman. Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat n’yong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo ito ang katakutan n’yo. Hindi ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya? Ngunit isa man sa kanila’y di nalilimutan sa paningin ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok sa inyong ulo. Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa maraming maya.”
Pagninilay
May isang batang lalaki na nasa bubong ng bahay na nasusunog at hindi na niya makita ang kanyang ama dahil sa makapal na usok. Kaya sumigaw ang ama, “Anak, tumalon ka, sasaluhin kita!” ngunit sumagot ang bata, “Tay, hindi kita nakikita,” at sinabi ng ama, “Okay lang, anak, hindi mo man ako nakikita, nakikita kita.” Kung ilalagay po natin ang ating sarili sa sitwasyon ng bata, ang tanong: Tatalon ka ba?
Una: NAKIKITA TAYO NG DIYOS. Ganito rin minsan ang buhay natin—kapag napapaligiran tayo ng problema, takot, pagkabigo, at mga tanong, parang puro usok ang nakikita natin at iniisip natin, “Lord, nasaan Ka?” Pero sabi ni Hesus, “Huwag kayong matakot… maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat,” sapagkat mahalaga tayo sa Kanya. Maaaring hindi mo nakikita ang Diyos, pero hindi ibig sabihin noon ay wala siya – sa katunayan ay kitang-kita ka Niya. Kaya hindi rin natin kailangang magpanggap sa harap ng Panginoon; alam Niya ang ating pinagdadaanan, kahinaan, mga sugat, at maging ang mga bagay na hindi natin masabi sa ibang tao. Kaya nga, isang paalala rin ito para sa lahat sa atin na ang tunay na kabanalan ay hindi pagiging perpekto sa paningin ng tao kundi pagiging totoo sa harap ng Diyos. Magpakatotoo ka dahil nakikita ka palagi ng Diyos.
Ikalawa: DAHIL NAKIKITA TAYO NG DIYOS, MAKATITIYAK TAYO NA MAHAL TAYO NG KANYANG PUSO. At dito, tumutugma ang mensahe ni Santa Margarita Maria Alacoque, isang dalaga, na nagpakilala sa kanyang buhay ng debosyon sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus—the Heart that sees us, knows us, and loves us. Hindi lamang tayo tinitingnan ng Diyos mula sa malayo; tinititigan Niya tayo mula sa pusong nagmamahal. Kaya kapag pagod ka, nasasaktan ka, o hindi mo na alam kung saan pupunta, tandaan mo: “Nakikita at nararamdaman ka ng Mahal na Puso ni Hesus.”
Kaya nga sa mundong walang kasiguraduhan, na madalas hindi natin laging nakikita ang patutunguhan – palagi pa ring magtiwala sa nagtuturo ng daan. Kapatid, hindi man natin nakikita ang buong plano ng Diyos, nakikita Niya ang buong buhay natin. Kaya walang rason para hindi natin ibigay ang buong tiwala natin sa kanya. Nakikita ka ng Diyos, at minamahal ka Niya. Dahil sa kamahal-mahalang puso ni Hesus, mayroon tayong pusong mapagkakatiwalaan—pusong hindi tayo iiwan, pusong hindi magsasawang umibig, at pusong laging nagsasabing, “Anak, nandito ako, kasama mo palagi sa lahat ng laban mo.” Amen.
Fr. Mat De Guzman | Archdiocese of Manila