Daughters of Saint Paul

Hulyo 3, 2017 LUNES sa Ika-13 Linggo ng Taon / Kapistahan ni Santo Tomas, Apostol

Ef 2:19-22 – Slm 117 – Jn 20:24-29

Jn 20:24-29

Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot naman siya: “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!”

Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila.

At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!”

Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa tuwing nababanggit ang pangalang Tomas, agad na iniisip ng mga tao ang “pag-aalinlangan.”  Isang karaniwang kasabihan ang “doubting Thomas.”  Pero sa kabila ng pagdududa ni Tomas, mapapansin naman ang pagkamaunawain ni Jesus sa kanya.  Nauunawaan ng Panginoon na ang pag-aalinlangan ni Tomas, hindi dahil sa katigasan ng puso, kundi dahil sa masakit na karanasan.  May tatlong dahilan kung bakit si Tomas, nag-alinlangan.  Una, dahil siya’y nadaig ng damdamin ng pagka-dismaya.  Hindi niya matanggap na si Jesus, patay na.  Inaasahan niyang si Jesus ang mangunguna sa pagliligtas sa kanila pero nauna pa itong mawala sa piling nila.  Pangalawa, humiwalay siya sa mga kasamahan niya.  Minabuti niyang mapag-isa.  Taglay ang damdamin ng kawalan ng pag-asa at tiwala hindi na siya nakisalamuha sa iba.  Ayaw na niyang magtiwala pa sa iba dahil siya rin ang nagdurusa.  Pangatlo, hindi kapani-paniwala ang pahayag ng kanyang mga kasama.  Sinasabi ng mga alagad na buhay si Jesus, pero masasalamin naman sa mukha nila ang takot at lungkot na salungat sa ipinahahayag nila.  Mga kapatid, suriin natin ang sarili.  Tayo din ba nag-aalinlangan sa buhay na pananatili ng Diyos sa panahon ng pagsubok, kabiguan at pagkadismaya?