Gen 28:10-22a – Slm 91 – Mt 9:18-26
Mt 9:18-26
Habang nagsasalita si Jesus sa mga tao, lumapit sa kanya ang isang pangulo ng sinagoga at paluhod na sinabi: “Kamamatay nga lamang ng aking anak na babae, pero halika’t ipatong ang iyong mga kamay at siya’y mabubuhay.” Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na ang kanyang mga alagad.
Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Jesus. Sapagkat naisip niyang “Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako.” Lumingon naman si Jesus, nakita niya siya at sinabi: “Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig.” At gumaling ang babae sa sandaling iyon.
Pagdating ni Jesus sa bahay ng pangulo, nakita niya ang mga tumutugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. At sinabi niya: “Umalis kayo! Hindi patay ang dalagita kundi tulog.” Pinagtawanan nila siya. Ngunit pagkaalis ng mga tao, pumasok siya, hinawakan ang bata sa kamay at bumangon ito. Lumaganap ang balitang ito sa buong lupaing iyon.
PAGNINILAY
Natunghayan natin sa Mabuting Balita ang dalawang taong nagpahayag ng kanilang pananampalataya. Una, ang pangulo ng sinagoga na kinikilala sa sambayanan ng mga Judio; at ang ikalawa, ang babaeng dinudugo na mababang uri sa lipunan ng mga Judio. Pero napakalaki ng paniniwala ng babaeng ito na si Jesus lamang ang makapagpapagaling sa kanya kahit sa pamamagitan lamang ng paghawak sa laylayan ng damit ng Panginoon. Mga kapatid, hindi ang paghawak sa laylayan ng damit ni Jesus ang nakapagpagaling sa kanya kundi ang kanyang pananampalataya at ang paglapit niya sa Panginoon. Binigyang pansin ng Panginoon ang babae at ipinagkaloob dito ang kagalingan at karangalang muling makabalik sa lipunan ng mga Judio. Samantala, patay na ang anak ng pangulo ng sinagoga, at hinihingi ng pangulong ito, hindi lamang pagalingin ang kanyang anak, kundi buhayin ito. Talagang napakalaki ng kanyang pananampalataya at hindi siya nabigo, binuhay ni Jesus ang kanyang anak. Sa dalawang tagpo ng pagpapagaling na natunghayan natin sa ebanghelyo ngayon, iisa lamang mensahe ang nais ipaalala nito sa ating lahat – ang sumampalataya sa Panginoon ng lubos, at makakamtan natin ang kagalingan sa ating mga sakit sa katawan at kaluluwa. Panginoon, nagsusumamo po akong pagalingin Mo sa karamdamang matagal nang nagpapahihirap sa akin. Iunat Mo po ang Iyong mapagpagaling na kamay, at hipuin ang bahagi ng aking katawan na matagal nang may karamdaman. Amen.
