Daughters of Saint Paul

Hulyo 11, 2017 MARTES sa Ika-14 na Linggo ng Taon / San Benedicto, abad

 

Gen 32:23-33 – Slm 117 – Mt 9:32-38

Mt 9:32-38

May nagdala kay Jesus ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi:  “Wala pang nangyaring ganito sa Israel.”  Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo:  “Nagpapalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng demonyo.”

            At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad:  “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”

PAGNINILAY

Sa mga nakaraang pagbasa nakita nating ipinapahayag ng Panginoong Jesus na pagmamahal, awa at pagpapatawad ang sentro ng Kanyang misyon.  Pero kung mapapansin ninyo sa parte ng mga taong Kanyang pinagaling, hindi ba’t laging may pagpapahayag ng pananampalataya?  Katunayan sinabi rin ng Panginoon na pinagaling ka ng iyong pananampalataya.  Mga kapatid, mahalaga ang matatag na pananampalataya sa Diyos para makamtan natin ang ating kahilingan.  Tanging pananampalataya lamang ang nagbibigay sa atin ng pag-asa na tutugunin ng Diyos ang ating kahilingan sa panahong Kanyang itinakda. Pananampalataya din ang nagpapalakas sa ating kalooban na hinding-hindi tayo susubukin ng Diyos nang higit sa ating makakaya.  Kaya sa Ebanghelyo ngayon, muli na namang pinatunayan ni Jesus na walang imposible sa Diyos at makakamit natin ang ating kagalingan at mga kahilingan kung ganap ang ating pananampalataya sa Kanya.  Kaya sa mga pinagdadaanan nating paghihirap, anuman ang ating kabagabagan, takot at problema, tatagan natin ang ating loob at buong pananampalataya tayong lumapit at humingi ng awa sa Panginoon.  Hingin natin ang biyaya ng Espiritu Santo na maging bukas ang ating puso at isipan upang tanggapin, anuman ang kalooban ng Diyos para sa atin.  Magtiwala tayo sa Kanyang pagmamahal.