Daughters of Saint Paul

Hulyo 12, 2017 MIYERKULES sa Ika-14 na Linggo ng Taon / San Juan Gualberto

 

Gen 41:55-57; 42:5-7a, 17-24a  – Slm 33 – Mt 10:1-7

Mt 10:1-7

Tinawag ni Jesus ang Labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman.

            Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol:  una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.

            Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan:  “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin n’yo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel.

            “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay:  ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit.’ ”

PAGNINILAY

Narinig natin sa Ebanghelyo ang pagtawag ng Panginoong Jesus sa Labindalawa.  Ang Kanyang tinawag, mga karaniwang tao, walang mataas na pinag-aralan, katungkulan sa lipunan at karamihan sa kanila, mangingisda.  Sa mata ng mga tao, hindi sila karapat-dapat na maging apostol; dahil katulad nila sila din naman, hindi mga perpektong tao, may kahinaan at makasalanan.  Sa katunayan, ipinagkanulo ni Judas Iscariote si Jesus; at itinanggi naman Siya ni Pedro ng makaitlong beses.  At tanging si Juan lang ang naging matapang sa pagdamay kay Jesus sa paanan ng krus.  Pero tiningnan sila ni Jesus nang may pagmamahal at habag.  Kaya pinili Niya silang maging alagad Niya! Sila ang bubuo ng grupo at magiging pinuno ng Iglesya na Kanyang itatatag.  Malaki ang gagampanan nila kaya naman bilang paghahanda, susundin nila ang isang pamamaraan ng pamumuhay kasama ni Jesus na tutularan ng sambayanang Kristiyano sa hinaharap.  Mga kapatid, si Jesus lamang ang maaaring tumawag at magsugo sa mga apostol bilang mga saksi niya.  Ang Diyos Ama ang nagsugo kay Jesus dito sa lupa para ipahayag ang Kanyang dakilang pagmamahal at tuparin ang Kanyang mga pangako.  Ang Diyos Anak naman ang nagsugo sa Kanyang mga apostol upang ipahayag na “Palapit na ang Kaharian ng Langit”, at unahing tipunin ang mga naligaw na tupa ng bayang Israel bago ihatid ang kaligtasan sa bansang pagano.  At sa pamamagitan ng Binyag na ating tinanggap, tayo rin ang isinusugong mga alagad ng Panginoong Jesus na magiging buhay na saksi sa Kanyang pananatili sa kasalukuyang panahon.  Kapatid, paano ka ba nagiging Jesus sa iyong pamilya, komunidad at opisina?   Paano mo naipapahayag ang Kaharian ng Diyos sa paraan ng iyong pamumuhay at pakikitungo sa kapwa?  Manalangin tayo.  Panginoon, sa kabila po ng aking mga kahinaan at pagkukulang, gawin Mo po akong Iyong alagad.  Kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang maipahayag ko ang Mabuting Balita sa aking salita at gawa.  Amen.