Daughters of Saint Paul

Hulyo 18, 2017 MARTES sa Ika-15 Linggo ng Taon / San Bruno de Segni

 

Ex 2:1-15a – Slm 69 – Mt 11:20-24

Mt 11:20-24

Sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagum-buhay:  “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling n'yo, nagsisi sana silang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo:  Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.

At ikaw naman, Capernaum, 'itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay!' Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, narito pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”

PAGNINILAY

Meron tayong kasabihan “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makakarating sa paroroonan.”  Ito ang kalagayan ng mga bayan ng Corozain at Betsaida.  Hindi sila marunong lumingon sa mabuting ginawa sa kanila ng Diyos.  Sa kabila kasi ng pangangaral at maraming himala na ginawa ni Jesus sa Corozain, Betsaida at Capernaum – wala Siyang nakitang pagsisisi sa mga tao doon.  Hindi sila nagbagong-buhay kaya parang naubos na ang pasensiya at pang-unawa ni Jesus sa kanila.  Kung tutuusin, kilalang dalawang siyudad ang Corozain at Betsaida; at nandidito ang mga paaralan sa pagpapakadalubhasa sa relihiyon.  Pero si Jesus bilang taong katulad natin, nakadama rin naman nang galit at pagkadismaya dahil sa katigasan ng ulo ng mga tao doon at sa kawalan nila ng pananampalataya. Hindi nila kinilala ang kabutihang-loob ni Jesus!  Hindi nila pinahalagahan ang mga himalang Kanyang ginawa.  Sa halip, na magbagong buhay, nagpatuloy sila sa kanilang masasamang gawain.  Mga kapatid, suriin natin ang ating sarili…  Ilang beses na rin ba tayong kinahabagan at pinatawad ng Diyos sa marami nating kasalanan?  Ilang beses na tayong niligtas ng Diyos sa malubhang karamdaman?  Nagdulot ba ito ng pagbabagong-puso o di kaya pagbabagong buhay?  Sobra tayong mahal ng Diyos at ayaw Niyang mapahamak tayo pagkatapos ng maikling buhay natin dito sa mundo.  Kaya patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataon upang magbago, ayusin ang mga nasirang ugnayan sa Diyos at sa kapwa, at mamuhay nang naaayon sa Kanyang banal na kalooban.  Panginoon, tulungan Mo po akong makatugon sa hamon ng Ebanghelyo.  Huwag ko nawang sayangin ang bawat pagkakataon na pinapahiram Mo sa akin upang magbagong-buhay, at maging daluyan ng Iyong biyaya at pagpapala sa aking kapwa.  Amen.