Dt 34:1-12 – Slm 66 – Mt 18:15-20
Mt 18:15-20
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para ‘lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo.’ Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano.
“Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian n’yo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan n’yo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.
“Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako.”
PAGNINILAY
Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon. Hirap-na-hirap kami noong mga panahong iyon. May sakit ang Mamang, naputulan kami ng ilaw at naglalakad lang kaming limang magkakapatid pagpasok sa paaralan na walang baon. Sabi ni Mamang kailangan daw kaming “matutong mamaluktot kapag maikli ang kumot.” Pero kapag araw ng Linggo, sama-sama kaming nagsisimba bilang pamilya. Narinig ko ang isang kamag-anak na nagtanong sa Mamang bago kami magsimba: “Ano ba ang mapapala n’yo sa pagdarasal at pagsisimba? Eh hanggang ngayon, isang kahig, isang tuka pa rin kayo.” Hindi umimik si Mamang at Papang. Ngumiti lang sila at tumuloy na kami papunta sa parokya. At ito ang ebanghelyo noong araw na yon: “Kung may dalawa sa inyo na nagkakaisang humingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa langit.” Nagtiwala kami sa salita ng Panginoon at nanalangin kami bilang isang pamilya. Naging tapat siya sa kanyang pangako. Nakaraos kami, nalampasan ang mga pagsubok, nakapag-aral kaming lahat hanggang sa kolehiyo. At heto, tinawag niya pa akong maging madre. Mga kapatid, totoong may Diyos na nakakakita ng lahat ng ating paghihirap at nakikinig sa lahat ng ating hinaing. Tumawag ka lang, isama mo ang iyong pamilya sa pagdarasal. At siguradong mararanasan mo ang Emmanuel – ang Diyos na kapiling natin ano man ang pagdaanan natin. Hindi niya tayo pababayaan.
