Daughters of Saint Paul

Agosto 20, 2017 LINGGO Ika- 20 Linggo sa Karaniwang Panahon

 

Is 56:1, 6-7 – Slm 67 – Rom 11:13-15, 29-32 – Mt 15:21-28

Mt 15:21-28

Pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon ang nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.”  Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito:  “Paalisin mo na siya’t sigaw nang sigaw sa likod natin.”

At sinabi sa kanya ni Jesus:  “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.”        

Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi:  “Ginoo, tulungan mo ako!” Sumagot si Jesus:  “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae:  “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.”  Kaya nagsalita sa kanya si Jesus:  “Babae, napakalaki ng iyong pananalig!  Maganap sa iyo ayon sa nais mo.”  At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.

PAGNINILAY

Mula pa rin sa panulat ng aming madre na si Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon.  Nakapunta na ba kayo sa simbahan ng Quiapo o sa Baclaran? Isa sa mga katangi-tanging paraan ng pagdarasal dito, ang paglalakad ng nakaluhod palapit sa Poong Nazareno at Ina ng Laging Saklolo. Madalas, kababaihan ang gumagawa nito – ang mga ina na nagsusumamo sa tulong ng Panginoon at Mahal na Birhen.  Tulad ng babaeng Kananea sa ebanghelyong ating narinig, hindi nila iniinda ang sakit, ang kahihiyan at kahit anong insulto o pagtanggi sa kanilang hiling.  Taglay niya ang matiyagang pananalig sa Panginoon na hindi natitinag, dahil punung-puno ng pagmamahal para sa anak na may karamdaman. Gagawin ng ina ang lahat makamtan lang ang kaginhawahan ng anak.  Kapatid, handa ka bang manalangin at maghintay? Handa ka bang tanggapin kung ano ang sagot ng Diyos sa iyong panalangin, kahit na taliwas ang mga ito sa iyong mga ninanais at pamantayan?  Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng pusong bukas, na nakahandang tumanggap ano man ang tugon Mo sa aking panalangin, dahil nananalig po ako na kayong Maylikha sa akin ang higit na nakakaalam kung ano ang tunay na makabubuti sa akin.  Maging mapagpasalamat nawa ako  ano man ang tugon Mo sa aking kahilingan.  Amen.