Daughters of Saint Paul

Setyembre 7, 2017 HUWEBES sa Ika-22 Linggo ng Taon

Col. 1:9-14 – Slm 98:2-3ab 3cd-4,5-6 – Lk 5:1-11

Lk 5:1-11

Dinagsa si Jesus ng napakaraming taong nakikinig sa Salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo ng kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao.

Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon:  “Pumalaot ka at ihulog n’yo ang inyong mga lambat para humuli.”  Ngunit sumagot si Simon:  “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.”  At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon.           

Nang makita ito ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Jesus at sinabi:  “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.”  Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na mga kasama ni Simon.

Ngunit sinabi ni Jesus kay Simon:  “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.”  Kayat nang maidaong na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.  

PAGNINILAY

Sa harap ng mga himala, nakilala ni Simon Pedro ang kanyang sarili – na siya’y makasalanan at di karapat-dapat na tumanggap sa Panginoon.  Kabaligtaran ang inasal na ito ni Pedro, nang unang hilingin ng Panginoong Jesus na ihulog nila ang lambat.  Hindi man hayagang ipinakita ni Simon Pedro, tila sinasabi niyang, “Ako ang eksperto rito kaya alam ko na wala na kaming mahuhuling isda.  Gayunpaman, gagawin namin ang nais mo.”  Kung talagang gustong sumunod ni Simon Pedro o pinagbibigyan niya lamang ang Panginoon, hindi natin masasabi.  Pero nang nagpatirapa si Simon Pedro at hinging layuan siya ng Panginoon, natitiyak natin na nakita niyang hindi siya karapat-dapat. At ito ang tunay na himala.  Mga kapatid, hindi ang pagkakahuli ng maraming isda ang himala, kundi ang katotohanang tinatawag at ginagamit ng Diyos ang mga makasalanan, upang magpatotoo sila sa Kanyang pag-ibig at pagpapatawad.  Sa buhay natin ngayon, minsan nakukundisyon na tayo sa paniniwalang, ganito na talaga tayo.  Wala ng pag-asang magbago!  Kapatid, kinakalabit ka ngayon ng Diyos na may pag-asa ka pang magbago, kung gugustuhin Mo; at sa tulong na rin ng Kanyang biyaya.  Maniwala ka na ikaw ang himala ng Diyos.  Sa kabila ng iyong mga kasalanan at pagkukulang, maaaring makagawa ang Diyos ng maraming mabubuti at kahanga-hangang bagay, kung pahihintulutan mo S’yang maghari sa’yong buhay.