1 Tm 6:13-16 Slm 100:1b-2.3.4 Lk 8:14-15
Lk 8:14-15
Napakakapal na tao ang nagkakatipon dahil pinupuntahan si Jesus ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bayan. Kaya nagsalita siya sa talinhaga: “Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at kinain ng mga ibon sa Langit. Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta. Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sinikil ito ng mga tinik. Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkasabi nito'y sumigaw siya: “Makinig ang may tenga. Ito ang kahulugan ng talinhaga. Ang binhi ay ang Salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mag nakakarinig ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig at maligtas. Ang mga nasa batuhan ay ang mga nakakarinig na masayang tinatanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. Ang nahulog naman sa mga tinikan ay ang mga nakakarinig ngunit sa pagpapatuloy nila'y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya hindi sila nakapagbunga. Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakaring sa salita at iniingatan ito nang may dakila't mabuting loob at nagbubunga sila sa kanilang pagtitiyaga.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, pawang magagandang binhi ang itinatanim ng Panginoon sa’ting puso. Sa araw-araw nating pakikinig ng Kanyang Salita – puro binhi ng pagpapakabuti, pagmamahal sa Diyos at sa kapwa, pagpapatawad, pagmamalasakit at marami pang iba ang Kanyang itinanim. Ang tanong, anong klaseng puso meron tayo? Puso bang mababaw ang pananampalataya, pusong madaling matukso, pusong puno ng kabalisahan, o pusong bukas, na handang makinig at paka-ingatan sa ating kalooban ang mensaheng ating narinig? Mahalagang matukoy natin kung anong klaseng puso meron tayo ngayon, para magawan natin ng paraang pagbutihin sa tulong ng Panginoon ang ating pakikinig sa Salita ng Diyos. Paulit-ulit kong sinasabi sa’king pagninilay na hindi sapat ang pagbabasa at pakikinig lamang ng Salita ng Diyos. Ang pinakamahalaga sa pakikinig, ang pagsabuhay sa mensaheng narinig. ‘Yan ang hamon sa atin ng Mabuting Balita. Pero di natin magagawa ito, sa minsanang pakikinig ng Salita ng Diyos. Kung kinakailangang basahin muli, balik-balikan, at namnamin ang bawat salita habang tayo’y nananalangin – upang tunay na tumimo ito sa ating puso, at maging bahagi na ng ating pagkatao. Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang magbunga ng siksik, liglig at umaapaw na biyaya ang Iyong Salita. Amen.