Daughters of Saint Paul

Oktubre 2, 2017 Lunes sa Ika-26 na Linggo ng Taon Paggunita sa Mga Banal na Anghel na Tagatanod

 

Mt 18:1-5, 10

Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo: hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging tulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Karihan ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. Huwag sana n’yong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”

PAGNINILAY

Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo. Bawat isa sa atin, may anghel na nagbabantay. Nararamdaman nyo ba ang kanyang pagkalinga at pangangalaga? Minsan, nadudulas tayo habang naglalakad, pero hindi tayo tumutumba. Inaalalayan tayo ng ating anghel dela guardia. Minsan naman, naliligtas tayo sa sakuna o kaya naman, nakakaiwas tayo sa isang bagay na masama. Ipinag-aadya tayo ng ating anghel.  Binubulungan niya tayo kung ano ang tamang daan na dapat nating tahakin, kaya lang, minsan, nagbibingi-bingihan tayo sa kanyang mga payo.  Sa ebanghelyo natin ngayon, sinasabi ni Jesus sa mga alagad: “Huwag sana n’yong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”  Isang araw, nakita ko ang anghel sa isang batang gusgusin na nakatira sa sementeryo.  Binisita namin sila.  Pagkatapos ng kaunting pagtuturo, paglalaro at kantahan, isa-isa silang binigyan ng supot ng meryenda. Habang tuwang-tuwa silang nagbukasan ng supot at nagsimulang kumain, may isang batang lalaki na tahimik na lumapit sa mga madre. Nakayapak lang siya, walang saplot kundi maruming shorts.  Mga walong taon na siguro siya.  Hawak-hawak niya ang supot, pero hindi niya binuksan iyon.  Halos pabulong siyang tumawag: “Sister, sister.” “Ano yon, Totoy? May kailangan ka?”  “Sister, sister, pwede pong payakap? Kahit saglit lang?”  Isang  inosenteng hiling na punung-puno ng kahulugan.  Oo, kailangan nila ng pagkain, pero mas uhaw sila sa kalinga, pag-aaruga, haplos at yakap ng pagmamahal. Namamalimos ang bata hindi para sa materyal na bagay kundi sa pagmamahal.  Saglit lang ang kanyang hinihingi, dahil ayaw niyang maging istorbo nang matagal. Saglit na yakap na marahil, hindi maibigay ng mga magulang dahil abala sa paghahanap-buhay.  Kapatid, tumingin ka sa pamilya mo, sa mga kaibigan, mga kasamahan sa trabaho. Maaaring naghihintay sila ng saglit na yakap o kalinga ng pagmamahal?  Maari ka bang maging anghel na magpapaalala sa kanila ng Mapagmahal na Ama?