LUCAS 9:51-56
Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala siya ng mga sugo para mauna sa kanya at ihanda ang kanyang matutuluyan, at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano. Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta siya sa Jerusalem. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa Langit para puksain sila?” Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, at sa ibang bayan sila nagpunta.
PAGNINILAY
Ibinahagi pa rin ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon. Hindi tinanggap si Jesus ng mga Samaritano dahil papunta siya sa Jerusalem. At tulad ng mga tao sa ating panahon, gusto ng mga alagad na sina Juan at Jaime na parusahan ang mga ito. “Gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa langit para puksain sila?” Ganyan din ang nangyayari sa lipunan natin ngayon, hindi ba? Lalo na sa tinatawag nating war on drugs. Hindi lang hinuhuli, kundi pinapatay, ang mga kilalang drug addicts at mga drug pushers. Maliban sa mga pangalang nasa watch list, libu-libo na ang mga namatay – kasama na rito ang mga batang inosente at walang malay. Pero patuloy pa rin ang pagpasok ng illegal na droga sa ating bansa dahil magpahanggang ngayon, hindi pa rin nahuhuli ang mga mayayamang nagpapalago ng drug business. Pawang mahihirap lang at walang kalaban-laban ang napapatay sa war on drugs na ito. Oo, masama ang gumamit at magtinda ng illegal na droga. Nasisira nito hindi lang ang addict kundi pati na ang pamilya at pamayanang kinabibilangan niya. At kapag “high” sa droga, napakaraming krimen at karumal-dumal na panggagahasa at pagsasamantala ang nagagawa ng nasa impluwensiya ng drugs. Pero, ang karahasan ba ang sagot? Mapupuksa ba ng p agpatay ang paggamit ng bawal na gamot? Mawawala ba ang mga salot sa lipunan kung magpapadala tayo sa galit at paghihiganti? Mga kapatid, nagtatapos ang ebanghelyo natin sa mga katagang: “Lumingon si Jesus sa mga alagad at pinagsabihan sila. Siguro, ganito rin ang sinasabi niya sa atin ngayon. Lumingon tayo sa Kanya, ikiling natin ang ating mga isipan at tainga sa Panginoon, at sa isa’t isa. Makinig tayo kung ano ang sinasabi sa atin ng Panginoon at ng ating kapwa. Ano ang tugon natin bilang mananampalatayang Pilipino? Ano ang magagawa natin bilang mamamayan at bilang Kristiyano? Mapagpalang Ama, tulungan mo po kaming magpatawad at tumanggap ng kapwa namin, maging ano man ang kanilang estado sa buhay at kasalanang nagawa. Buksan mo po ang aming puso’t diwa upang mamuhay kami bilang magkakapatid sa iisang pamilya ng Diyos. Amen