Daughters of Saint Paul

Oktubre 4, 2017 Miyerkules sa Ika-26 na Linggo ng Taon / Paggunita kay San Francisco de Asis, relihiyoso

 

LUCAS 9:57-62

Habang naglalakad sila, may taong nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Jesus, “May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matulugan o mapagpahingahan.” Sinabi ni Jesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ang tao, “Panginoon, hayaan po muna ninyo akong umuwi upang ipalibing ang aking ama.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.” Sinabi naman ng isa, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit magpapaalam muna ako sa aking kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang sinumang nag-aararo at palagong lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”

PAGNINILAY

Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Ipinagdiriwang natin sa araw na ito ang kapistahan ng isa sa mga pinakatanyag na Santo ng Simbahan, si San Francisco ng Assisi. Mula sa isang mayamang pamilya, tinalikuran ni Francisco Bernardone ang lahat ng yaman, layaw, karangyaan, katanyagan at kapangyarihan upang maging simpleng tagasunod ni Kristo.  Noong 2013, nagpunta si Pope Francis sa lugar mismo kung saan hinubad ni San Francisco ang kanyang damit – simbolo ng pagtalikod niya sa kanyang ama upang yakapin ang kahirapan.  Sinabi ni Pope Francis: “Tinatawag tayong lahat, bilang mga Kristiyano, na sumunod sa halimbawa ni Kristo.  Hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang tao siya at namuhay na isang alipin.”  “Kailangan din nating hubarin ang kamunduhan at maging alipin. Kung gusto nating maging mga Kristiyano, walang ibang paraan. Ang isang Kristiyano, hindi maaring magkasamang umiiral sa espiritu ng sanlibutan; kamunduhan na humahantong sa walang kabuluhan, sa pagmamataas, at sa idolatriya.”  Kapatid, hinahamon tayo ni San Francisco at ni Pope Francis na maging tunay na alagad ni Kristo. Ano ang nagsisilbing sagabal sa pagsunod mo?  May kailangan ka bang hubarin, talikuran o isuko?  Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng pusong laging handang sumunod Sa’yong banal na kalooban. Huwag ko nawang ihihilig ang aking puso sa mga makamundong bagay.  Matularan ko nawa si San Francisco sa pamumuhay ng simple at sa kanyang wagas na pagmamahal sa Diyos at sa sangnilikha.  San Francisco de Asis, ipanalangin mo kami. Amen.