Daughters of Saint Paul

Oktubre 16, 2017 Lunes sa Ika-28 Linggo ng Taon

LUCAS 11:29-32

Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ang mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon; at dito'y may mas dakila pa kaysa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga- Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito'y may mas dakila pa sa Jonas.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, marami nang himala ang ginawa ni Jesus.  Isa na rito ang pagpapalayas niya sa piping demonyo, at pagpapabangon niya sa kamatayan sa anak na lalaki ng isang biyuda at marami pang iba.  Sapat na sana ang mga tandang ito para sila’y maniwala, pero di pa rin kumbinsido ang mga tao.  Naghahanap pa rin sila ng palatandaan.  Marahil itatanong ninyo, tinatawag ba ni Jesus na masama ang lahing ito dahil humihingi sila ng tanda?  Sa Ebanghelyong ating narinig, inihahambing ni Jesus ang disposisyon ng mga nakikinig sa Kanya, sa disposisyon ng mga taga-Ninive.  Makasalanan ang mga taga-Ninive.  Kaya isinugo ng Diyos sa kanila si Propeta Jonas upang mangaral, tungkol sa pagsisisi.  Pagkarinig nila sa kanyang mensahe at kahit hindi pa siya gumagawa ng himala, nagsisi na kaagad ang mga taga-Ninive.  Samantala, ang mga Judio noong panahon ni Jesus, naniniwala na sila’y matutuwid dahil sila’y bayang pinili ng Diyos.  Hindi nila nararamdaman ang pangangailangang magsisi kahit sa harap ng tanda ni Jonas o ng kahit anumang tanda.  Dahil isinarado nila ang kanilang mga puso, hindi nila makikilala ang tandang mula sa Diyos.  Sinabi ni Jesus na walang tandang ibibigay sa kanila.  Ang sumasampalataya lamang ang siyang makakakita sa himala.  Mga kapatid, ang mga sakramento ng Simbahan ang makabagong mga “tanda” ng mapagligtas na kilos ng Diyos.  Paano mo tinatanggap ang mga tandang ito sa iyong buhay?  Panginoon, tulungan Mo po akong maging bukas sa pagtanggap ng mga sakramento bilang buhay na tanda ng Iyong pananatili sa aming piling. Amen.