Juan 14:21-26
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipakikita ko sa kanya ang aking sarili.” Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipapakita ang iyong sarili at hindi sa mundo?” Sumagot si Jesus at nagwika sa kanya: “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya namin gagawin ang isang panuluyan para sa aming sarili. Ang hindi naman nagmamahal sa akin ay hindi nagsasakatuparan sa mga salita ko. At ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin kundi sa Amang nagpadala sa akin. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang kasama pa ninyo ako. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat. Siya ang Espiritu Santong ipadadala ng Ama sa ngalan ko, at itututro niya sa inyo ang lahat at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong narinig natin, tinatawagan tayo ng Panginoon na mahalin Siya. Marahil itatanong n’yo: “Paano ba natin maipakikita ang ating pagmamahal sa Panginoong Jesus?” Isa sa mga tanda ng tunay na pagmamahal, ang katapatan. Isa itong magandang kaugalian na tila unti-unti nang nawawala sa kasalukuyan – maging sa relasyon ng mag-asawa, ng matalik na magkaibigan, ng magulang sa anak, ng boss sa empleyado at iba pang ugnayan. Naging kalakaran na ang pagtataksil, pagkakanulo at pagsisinungaling na sumisira sa anumang ugnayan. Kapag nawala ang katapatan, kapag nasira ang tiwala sa isa’t isa, mahirap na itong maibalik. Mga kapanalig, ang pagiging tapat sa utos ng Panginoon ang konkretong paraan ng pagpapakita ng ating pagmamahal sa Kanya. Ang tunay na nagmamahal sa Panginoon, tumutupad sa Kanyang mga salita at sinisikap na iayon ang buhay sa Kanyang kalooban. Hindi sapat ang mga matatamis na salita sa ating panalangin, hindi sapat ang mga panlabas na ritwal ng pagpupuri. Ang higit na mahalaga ang pagmamahal sa Panginoon na nakikita sa gawa. Suriin natin ang ating sarili sa puntong ito. Pagkatapos nating magsimba o magdasal, dumadaloy ba sa atin ang kabutihan ng Diyos at ang kanyang mga katangian? Ang pagiging mapagpasensiya sa kahinaan ng ating kapwa, ang pagiging matulungin, ang pagiging mahinahon sa tuwing tayo’y nagagalit at marami pang iba. Tunay na malaking iskandalo sa mga taong nakakakita sa atin, kung tayo’y madasalin at laging nagsisimba, pero taliwas naman ang ating buhay sa ating pagsamba. Araw-araw, nahaharap tayo sa hamon na makita sa ating buhay pakikipagkapwa tao ang bunga ng ating pananampalataya sa Diyos.