Daughters of Saint Paul

Mayo 1, 2018 Martes (Paggunita) San Jose Labrador

MATEO 13:54-58

Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.

PAGNINILAY:

Ang pagkakatalaga kay San Jose bilang patron ng Inang Simbahan, hindi aksidente kundi isang parangal sa kanyang pagiging masunurin sa kalooban ng Amang nasa Langit. Walang malinaw na kasaysayan kung paano ipinanganak, o saan talaga nagmula si San Jose.  Basta’t ang nalalaman lamang natin, nagmula siya sa angkan ni David, ang pagmumulan ng Mesiyas o ng Pinahirang Tagapagligtas.  Sa homiliya ng yumaong Santo Papa Juan Paulo II, itinuring niya si San Jose bilang huwarang ama, isang masipag at mahusay na tagapangasiwa ng sambayanan ng Diyos, na kinakatawan ng Banal na Pamilya sa Nazaret.  Kung susuriin natin ang naging pamumuhay ni San Jose, makikita natin ang kaniyang pagiging matuwid, hindi lamang bilang isang lalaki kundi bilang isang tagapangasiwa ng isang pamilya – ang pangunahing yunit ng lipunan – na sasalalayan ng lahat ng pagpapahalaga at karunungan. Idalangin natin ang lahat ng ama ng tahanan, nang matularan nila si San Jose sa pangangasiwa ng kanilang pamilya ng buong katapatan, kasipagan at pagmamahal.