Daughters of Saint Paul

Mayo 2, 2018 Miyerkules / San Atanasio, Obispo at pantas ng Simbahan (Paggunita)

JUAN 15:1-8

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga. “Malinis na kayo dahil sa wikang bingkas ko sa inyo. Manatili kayo sa akin, ako naman sa inyo. Hindi makapamumunga ang sanga mula sa ganang sarili, malibang manatili ito sa puno ng ubas; gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. Ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga. Kung may nananatili sa akin at ako naman sa kanya, namumunga siya ng sagana; ngunit kung hiwalay sa akin ay hindi ninyo kayang gumawa ng anuman. Kung may di nananatili sa akin, itatapon siya sa labas gaya ng sangang natuyo, na tinitipon at iginagatong sa apoy at nagliliyab. Kung mananatili kayo sa akin at mananatili naman sa inyo ang aking mga salita, hilingin ninyo ang anumang loobim at gagawin ko para sa inyo. Sa ganito pararangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, tinukoy ni Jesus ang Kanyang sarili bilang tunay na puno ng ubas.  Sinabi Niya, “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka.”  Ayon kay Jesus, matamis at sagana ang Kanyang bunga at tayo ang Kanyang mga sanga.  Habang patuloy tayong nagninilay sa Muling Pagkabuhay ni Jesu-Kristo, inaanyayahan tayo ni Jesus na manatili sa Kanyang piling.  Sa ganitong paraan, tataglayin natin ang matamis at saganang buhay sa piling ng Espiritu Santo.  Kailangan lamang tayong manatili kay Jesus dahil kung hiwalay tayo sa Kanya, wala tayong kuwenta; hindi tayo mahalaga.  Nakakalungkot isipin na may mga taong namumuhay na parang walang kinikilalang Diyos. Puro kasiyahan at pagpapayaman ang iniisip, at nagpapakasasa sa nakamit na tagumpay, popularidad at makamundong yaman.  Ang lahat ng kanyang inaning tagumpay inaangkin niyang bunga ng kanyang pagsisikap, talino, lakas at diskarte.  Ni minsan hindi niya ito ipinagpasalamat sa Diyos. Marahil magtatanong kayo, tunay nga kayang masaya ang taong ito?  Mga kapanalig, walang tunay na kasiyahan ang taong namumuhay ng hiwalay sa Diyos.  Dahil Siya lamang ang makapagbibigay ng tunay na kasiyahan at kaganapan sa ating buhay.