Daughters of Saint Paul

Mayo 3, 2018 Huwebes / Kapistahan nina San Felipe at San Tiago, mga apostol

JUAN 14:6-14

Sinabi ni Jesus kay Tomas: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.  Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko. Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit kilala n’yo na siya at nakita n’yo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Jesus: “Diyata’t matagal na panahon n’yo na akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Ngalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki’y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, sinabi ni Jesus na Siya ang Daan, Katotohanan at Buhay.  Ito ang pinagsama-samang pagkilos ng Panginoon upang mapalapit tayo sa Ama at maging kaisa Niya.  Sa pagiging Daan ni Jesus, ibig Niyang maging banal ang ating hangarin at pagkilos.  Bilang Katotohanan, ibig Niyang maging matuwid ang ating katwiran at maging dalisay ang ating karunungan.  Sa pagiging Buhay, ibig Niyang maging ganap ang ating kasiyahan, mapuspos tayo ng pagmamahal, at magkaroon ng walang hanggang buhay.  Kaya’t buksan natin ang ating buong pagkatao, para tuluyang dumaloy si Jesus sa atin at upang maiwasan natin ang masasamang impluwensiyang lumalayo sa atin sa Diyos.  Mga kapanalig, tinubos na tayo ng mahal na dugo ng Panginoong Jesus sa kasalanan at walang hanggang kapahamakan.  Sa pagpapanibago ng ating pangako sa binyag, sumumpa tayo sa Panginoon na tatalikdan natin si satanas at ang kanyang mapanlinlang na gawain.  Pinagkalooban tayo ng Panginoon ng Kanyang Banal na Espiritu para mapanindigan ang ating pangako.  Pero paano ba natin hinahayaan ang Banal na Espiritu na kumilos sa buhay natin, para tunay Siyang kumilos bilang Daan, Katotohanan at Buhay sa pamamagitan natin?