Daughters of Saint Paul

Mayo 6, 2018 Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay (B)

JUAN 15:9-17

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin n’yo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko tulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo. “Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. “Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan dahil hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. “Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga n’yo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin n’yo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”

PAGNINILAY:

Ang magmahal gaya ng pagmamahal ni Jesus nangangailangan ng isang kabayanihan.  Katulad sa pagsagip ng buhay ng isang taong nalulunod o natutupok ng apoy sa isang nasusunog na bahay; pagtanggol sa kapakanan ng maliliit at inaapi; at ang pagiging isang OFW na nakipagsapalaran sa ibang bansa mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang naiwang pamilya.  Sa mga halimbawang nabanggit, mapapansin ang kusang loob na pag-aalay ng sariling buhay, upang magbigay-buhay sa iba. Mapapansin ang determinasyon at katapangan ng taong mag-aalay ng buhay.  Hindi siya inuunahan ng takot dahil buo ang kanyang loob na magbigay buhay sa iba. Ito ang ginawa ng Panginoong Jesus; ito rin ang karanasan ng isang ina sa oras ng panganganak –nanganganib ang kanyang buhay para bigyang buhay ang isisilang na sanggol; at ito din ang ginagawang pagsasakripisyo ng mga kapatid nating OFWs na niyakap ng buong pagtitiis ang labis na pangungulila at kalungkutan, maging ang pang-aaping nararanasan, para sa kapakanan ng umaasang pamilya.  Ito’y mga tanda ng tunay napagmamahal.  Sa ating pang-araw-araw na buhay, sikapin nating makatugon sa panawagan ng Panginoong magmahal.  Magagawa lamang natin ito kung hahayaan nating Siyang kumilos sa buhay natin.