Daughters of Saint Paul

Mayo 20, 2018 Dakilang Kapistahan ng Linggo ng Pentecostes (B)

JUAN 15:26-27, 16:12-15

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kapag dumating ang Tagapagtanggol na aking ipadadala sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatotoo tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula. Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, subalit hindi ninyo mauunawaan ngayon. Darating naman siya, ang Espiritu ng katotohanan at maghahatid sa inyo sa buong katotohanan. Wala na siyang sasabihin mula sa kanyang sarili, ngunit, ang lahat niyang maririnig ang kanyang bibigkasin at mga bagay na darating ang ibabalita niya sainyo. Ibabalita niya sainyo ang tatanggapin niya mula sa akin at sa gayon niya luluwalhatiin ang tanang sa Ama ay akin. Dahilan dito, kaya ko sinabing mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sainyo.“

PAGNINILAY:

Tuwing Lunes, pagkatapos ng alas-sais ng gabing misa sa aming kapilya, isinusunod ang nobena para sa Espiritu Santo. Kasama  sa hinihiling ang kanyang pitong kaloob na  binubuo ng: Una, Karunungan para madama ang kabutihan at kagandahan ng Diyos; Ikalawa, Pagkaunawa para makita ang ganda ng pananampalataya at  makilala ang Diyos sa mga nilikha at sa mga pangyayari sa buhay; Ikatlo, Kaalaman para matutuhan kung sino tayo at ang iba pang mga nilikha; Ikaapat, Pagpapayo na nagbibigay ng pinakamainam na paraan para matupad ang kalooban ng Diyos at mapaglingkuran siya; Ikalima, Katatagan, na nagpapalakas sa puso at isip sa paggawa ng tama; Ikaanim, Kabanalan, na nagbibigay ng sigla at  bagong anyo sa lahat ng ating mga ginagawa bilang tanda ng pagmamahal at pag-aalay sa ating Ama; at Ikapito, ang Banal na Pagkatakot na nagbibigay sa atin ng lakas para lumayo at umiwas sa anumang tukso na hindi ayon sa kalooban ng Diyos.  Gaya ng sinabi ni Jesus, “Pagdating ng Tagapagtanggol  na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatunay tungkol sa akin.”  Pagkatapos ng muling pagkabuhay, kapayapaan ang unang ipinagkaloob ni Jesus sa kanyang mga alagad – hindi para mawala ang mga hirap at panganib na kanilang susuungin sa  pagtupad sa kanyang utos kundi para  tumibay ang kanilang loob dahil alam nilang kasama nila ang Diyos sa lahat ng pagsubok.  (Manalangin tayo.  O, mahal na Espiritu Santo, loobin mong lagi naming madama ang iyong pag-iral at pagmamahal sa amin.  Pawiin mo ang aming mga pagkatakot at bigyan mo kami ng lakas ng loob para maihatid  ang balita ng kaligtasan sa mga taong nakakasama  namin sa bawat araw, Amen.)