Daughters of Saint Paul

HUNYO 29, 2019 SABADO SA IKA-12 LINGGO NG TAON Dakilang Kapistahan nina San Pedro at San Pablo, mga apostol

 

EBANGHELYO: Mt 16:13-19

 

PAGNINILAY:

Sino ako para sa inyo?  Madalas sa ating dasal, at sa oras na dumaranas tayo ng mabibigat na problema sa buhay, ito ang itinatanong sa atin ni Jesus. Kung matagal ka nang naghihirap dahil sa iyong karamdaman; kung baon ka na sa utang at wala nang ibang matakbuhan; kung nawalan ka ng trabaho dahil sa mga taong nanira sa’yo –itinatanong ni Jesus, sino ako para sa iyo?  Kung nawawalan ka na ng pag-asa dahil sa asawang ayaw magbago; kung hindi ka nakapasa sa board exams na magdadala sa iyo ng tagumpay; kung hindi mo kayang tustusan ang pangunahing pangangailangan ng iyong pamilya; itinatanong ni Jesus, sino ako para sa iyo.  Mga kapatid, sa dinadami-daming problemang kinakaharap natin araw-araw, sa panahon ng krisis at labis ng pag-kabalisa, nakikilala mo ba si Jesus bilang Iyong Tagapagtanggol, bilang Kapayapaan, bilang Pag-asa, bilang Buhay, bilang kaligtasan? Nararamdaman mo ba ang Kanyang mahiwagang pagkilos sa oras ng kapighatian? Tapat ang Panginoon sa Kanyang pangako na hinding-hindi Niya tayo iiwanan. Kasa-kasama natin Siya sa bawat sandali ng ating buhay. Ihabilin natin sa Kanya ang ating mga alalahanin at magtiwala tayong tutugunin Niya ang ating panalangin sa Kanyang takdang panahon. 

PANALANGIN:

Panginoon, batid Mo po ang mga pinagdadaanan kong pagsubok sa mga sandaling ito.  Minsan nawawalan na po ako ng pag-asa at gusto ko ng sumuko. Palakasin Mo po ang aking pagtitiwala na kailanman hinding-hindi Mo ako iiwan at pababayaan.  Marapatin Mo pong makita ko, ang Iyong mahiwagang pagkilos sa aking buhay.  Amen.