Daughters of Saint Paul

HULYO 1, 2019 LUNES SA IKA-13 LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: Mt 8:18-22

Nang makita ni Jesus ang maraming taong nakapaligid sa kanya, iniutos niyang tumawid sa kabilang ibayo. May lumapit sa kanya na isang guro ng Batas na nagsabi: “Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” Sinabi ni Jesus sa kanya: May lungga ang asong-gubat, may pugad ang mga ibon, ngunit wala man lang mahigaan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.” Isa pa sa mga alagad ang nagsabi sa kanya: “Panginoon, pauwiin mo muna ako para mailibing ko ang aking ama.” Ngunit sinagot siya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin, at bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang mga patay.”

 

PAGNINILAY:

“Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.”Ito ang mga salitang namutawi mismo sa labi ng isang guro ng Batas na handang matuto at sumunod sa Panginoon.  Maliwanag naman ang sagot ni Jesus sa Kanya.  Kailangan ang dalawang kondisyon sa sinumang gustong sumunod. Una, “wala man lang mapahiligan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.”  Nangangahulugan ito ng pagiging malaya mula sa mga bagay-bagay kahit na ito’y kailangan. Halimbawa ang kasiguruhan ng bahay na matutulugan o komportableng buhay. Pangalawa, “bayaang mong ilibing ng patay ang kanilang mga patay.” Nangangahulugan ito ng pagiging malaya mula sa mga tao, lalo na sa pamilya upang makasunod sa kalooban ng Diyos.  Mapapansing mayroong dalawang pagkilos sa pagsunod sa Panginoon:  una, pagiging malaya mula sa anumang nagiging sagabal sa pagsunod, maging tao man ito o bagay; pangalawa, pagiging malaya para makasunod ng buong-buo sa Panginoon.  Sa ating pang-araw-araw na buhay, suriin natin kung anu-ano ba ang nagiging sagabal sa pagsunod natin sa Panginoon? Ang atin bang sobrang pagkaabala sa trabaho?  Ni wala man lang tayong panahong magdasal at magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang ating tinanggap at patuloy na tinatanggap? O, ang ating pagnanais na sundin ang ating gusto, kahit alam nating labag ito sa kalooban ng Diyos? O, ang atin bang mga bisyo o sobrang pagkahumaling sa paborito nating telenobela o kaya sa facebook pagsapit ng gabi? Kaya nawala na ang sama-samang pagdarasal ng mag-anak?  Mga kapatid, malinaw ang paalala sa atin ng Ebanghelyo. Kung gusto talaga nating sumunod sa Panginoon – matuto tayong magsakripisyo, mamatay sa sariling bisyo at mga makamundong pinahahalagahan.