Daughters of Saint Paul

HULYO 5, 2019 BIYERNES SA IKA-13 LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: Mt 9:9-13

Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan siya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maninigil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutunan sana n’yo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

 

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Bro. Micha Miguel L. Competente ng Society of St. Paul.  May ugali tayong mga Pilipino na kapag kumakain tayo at may biglang dumating na isang panauhin, agad-agad nating sinasabi, “kain po,” kahit na madalas wala naman talaga tayong maibibigay na pagkain at sapat lamang ang pagkain para sa atin. Hindi tayo nag-aalangan na imbitahin sila. Marahil bahagi ito ng ating pagiging hospitable.  Sa Ebanghelyo, makikita natin ang pagiging “hospitable” ni Mateo kay Jesus. Sa kabila ng kanyang pagiging abala sa paniningil ng buwis, hindi siya nagdalawang-isip na sumunod sa paanyaya ni Jesus. Sa panahon ni Jesus, kilala ang mga kolektor ng buwis bilang mga makasalanan o mga itinatakwil ng lipunan dahil sa kanilang pagpanig sa emperyong Romano at sa kanilang pagpapahirap sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapataw ng mabibigat na buwis. Kung kaya’t hindi kataka-takang kinamumuhian sila ng marami at walang gustong tumanggap sa kanila. Gayunpaman, tinanggap pa rin siya ni Jesus. Dito natin makikita na hindi lamang si Mateo ang naging “hospitable”kay Jesus. Sa katunayan, mas unang naging hospitablesi Jesus kay Mateo dahil una sa lahat tinawag pa rin niya si Mateo sa kabila ng kanyang mga pagkukulang at pagkakasala. Araw-araw tayong binibisita at tinatawag ni Jesus. Tulad ng kanyang pagtawag kay Mateo, tinatawag din niya tayo upang tumayo muli sa ating pagkakasala, at magsimula ng isang panibagong buhay. Tulad ni Mateo, tanggapin nawa rin natin si Jesus nang buong-buo at walang pag-aalinlangan anumang oras at anuman ang kalagayan natin sa buhay. Alalahanin natin na sa bawat pagbisita ni Jesus, nariyan ang handog niyang bagong pag-asa para sa atin. Mabibigyan ba natin siya ng isang mainit na pagtanggap?