EBANGHELYO: MATEO 10:1-7
Tinawag ni Jesus ang Labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Ito ang pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya. Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit.’”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sem. Aljon Fredric Mamunta ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sino nga ba ang mga apostol bago sila tinawag ni Kristo? Malamang hindi naman sila mga taong ganun ka relihiyoso; hindi naman sila mga guro ng banal na kasulatan. Marami sa kanila’y mga simpleng mangingisda, may rebolusyonaryo at maniningil ng buwis pa nga. Masasabing sila’y mga taong nasa laylayan ng lipunan, kumbaga. Pero, hindi ang kanilang trabaho o pagkatao ang tiningnan ni Hesus noong sila’y tinawag. Dahil minarapat Niya ang mga di-karapat-dapat upang maging alagad niya. Hindi niya sinasarahan ng oportunidad ang sinuman, dahil lamang sa nadungisang nakaraan. Kahit nga ngayon, iniisip ko pa rin kung bakit Niya ako tinawag sa bokasyon ng pagpapari sa kabila ng aking kahinaan at karupukan. Ramdam at alam ko’ng tinatawag Niya ako! Hindi dahil ito’y gusto ko lang. Pero dahil tinitingnanNiya kung ano ang dunong ng puso ko, sa kabila ng ano mang pangit o kakulangan ko sa buhay. Pero kung titingnan ko rin ang ginawa ng Panginoon, may mapupulot rin akong aral dito: yun ang pagtanggap sa tao nang buong puso, na hindi tinitingnan kung ano mang dumi ang meron sa kahapon niya, gaya nang pagtanggap ni Hesus sa akin. Mga kapatid, nawa’y manalig tayo sa pag-asang handog sa atin ng Panginoon, at tumalima sa tawag ng Diyos sa kabila ng ating mga pagkukulang at kahinaan. Ganun din naman, tanggapin natin ang ating kapwa katulad ng pagtanggap sa atin ng Diyos. Amen. Manalangin tayo. Panginoon, salamat sa patuloy na pag-aanyaya sa akin na makibahagi Sa’yong misyon. Hindi man ako karapatdapat, pero nananalig ako na sa tulong ng Iyong biyaya at awa, mamarapatin Mo akong makatugon nang buong pagtitiwala. Amen.
