Daughters of Saint Paul

HULYO 11, 2019 HUWEBES SA IKA-14 NA LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: MATEO 10:7-15

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit. Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod sapagkat nararapat ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. Pagdating n’yo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at sa kanya makituloy hanggang sa inyong pag-alis. Pagpasok n’yo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal n’yo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal. At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon.”

 

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Cleric Ramon Rivera ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Isang malaking hamon sa sinumang nag-nanais na ibahagi si Kristo at ang kanyang salita, ang umiwas sa karangyaan, luho, at iba’t ibang uri ng tukso na madalas nating hinaharap sa panahon ngayon. Sa pagbahagi kay Kristo, hindi lamang sapat ang kaalaman at ang galing magsalita tungkol sa Kanya. Mas makatutulong siguro na ipalaganap Siya sa pamamagitan ng ating mga gawain, at buhay. “Actions speak louder than words”, ika nga ng isang kasabihan sa Ingles. Ito ang paanyaya sa atin ng mabuting balita ngayon, na kung pinagkalooban man tayo ng natatanging bokasyon na ipalaganap ang Salita ng Diyos, huwag tayong magdadala ng kung anu-ano mang bagay na makakatawag pansin sa ating mga sarili, kaysa kay Kristo. Huwag nating aagawan ng eksena ang Panginoon! Magagawa natin ito sa paraan ng ating pang-araw-araw na pamumuhay. Sa ating pagsaksi na buhay ang Panginoon sa ating pagkatao.  Sabi nga ni San Francisco de Asis, “Preach the Gospel, use words if necessary”. Sa mas simpleng salita, mas marami dapat ang ating ginagawang mabuti, kaysa sa salita lang ng salita.