Daughters of Saint Paul

HULYO 12, 2019 BIYERNES SA IKA-14 NA LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: MATEO 10:16-23

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay na parang mga kalapati. Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang ninyong matatag hanggang wakas duon kayo maliligtas. Kung uusigin kayo sa isang bayan, tumakas kayo at pumunta sa kabilang bayan. Sinasabi ko sa inyo, bago ninyo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.”

 

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Sem. Melvin Dela Cruz, ng Society of St. Paul. Naranasan mo na bang mapunta sa isang lugar na hindi ka lubusang pamilyar? O di kaya naman, sa lugar na may bagong mukha at bagong uri ng pamumuhay? Sa aking pagpasok sa seminaryo napakaraming bago ang dumating sa aking buhay. Nariyan na ang mga bagong mukha, bagay at higit lalo ang bagong pamumuhay. Itong mga bagong bagay, pamumuhay, at mga mukha na ito, ang siya na ngayong bagong pamilya na maituturing na lubos kong pinagpapasalamat sa Diyos. Kung mayroong isang taong malapit sa akin na alam kong tunay na nakaranas mamuhay sa mga bagong bagay, iyun, ang aking ama. Isang OFW noon, ang aking ama!  Hindi man niya sabihin sa amin, alam ko na lubhang mahirap ang manirahan sa lugar, na milya-milya ang layo sa iyong pamilya, at makisama sa mga taong iba ang kultura. Pero ang lahat ng ito’y hinarap niya ng buong tapang at may pananalig sa Diyos. Mga kapatid, lagi lamang nating tatandaan na saan man tayo dalhin ng Diyos, lagi nawa tayong maging isang maamong tupa na handang harapin kahit ang mababangis na lobo, dahil alam nating kasama natin ang Diyos, at Siya’y palaging nakagabay sa atin. Sa araw na ito, isama natin sa ating panalangin ang mga taong malayo sa kanilang pamilya, mga OFW at mga misyonero at nawa’y patuloy silang gabayan at ingatan ng Panginoon. Amen.