EBANGHELYO: LUCAS 4:31-37
Bumaba si Jesus sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas. “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” Ipinag-utos naman sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Pagtataka ang sumalahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Nakapag-uutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo, makikita natin kung paano pinalayas ni Hesus ang masamang espiritu sa isang tao sa sinagoga. Hindi natin maitatanggi na totoong makapangyarihan ang Diyos. Sumusuko sa kanya ang masasamang espiritu, takot sila sa kapangyarihan at kadakilaan ng Diyos. Sa ating paglalakbay sa mundong ito, nararanasan natin ang lubos na pagkadismaya sa ating sarili dahil sa ating mga kasalanan. Madalas, tayo mismo ang lumalayo sa Panginoon dahil damang-dama natin ang bigat ng mga kasalanang ating ginagawa. Mga kapanalig, makapangyarihan ang Diyos! Kayang-kaya niyang paalisin ang masamang espiritu na nananahan sa atin; kayang-kaya niyang linisin ang anumang bahid ng kasalanan na naglalayo sa atin sa Kanya. Kaya ang hamon sa atin ng ebanghelyo ngayon, ‘wag tayong mahiyang lumapit sa Panginoon. Anuman ang kasalanan nating dinadala o gaano man kabigat ang ating pinapasan, lagi lang nating tandaan na makapangyarihan at mahabagin ang Diyos. Gaya ng ginawa niya sa isang tao sa sinagoga, paaalisin niya ang bigat, kasalanan at ang masamang espiritu na sa atin nananahan upang ilapit tayong muli sa piling Niya. Lahat ng ito’y kayang gawin ng Diyos, dahil lubos niya tayong minamahal; at kailan ma’y ‘di niya tayo pababayaang mapasakamay ng masasama. Lagi siyang nariyan upang akayin tayo sa piling niya. – Cl. John Adrian Agapito,SSP