Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 27, 2019 – IKA-30 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: LUCAS 18:9-14

Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao—mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ “Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa Langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”

PAGNINILAY:

“Mahangin. Bagyo ang dating!” Ito ang kalimitang reaksyon natin kapag may naririnig tayong taong mayabang. Madalas inihahalintulad natin ang taong mayabang sa malakas na hangin, dulot ng bagyo. Bakit kaya? Ang malakas na hangin, kapag dumadaan, ramdam ang presensya. Nakakasira ng kapaligiran: Kayang ibuwal ang malalaking puno at bunutin ang mga halaman, ilipad ang mga bubong, at wasakin ang sawaling tahanan. Ramdam at nakakasira ang malakas na hangin. Katulad nang nangyari noong dumaan ang mga bagyong Yolanda, Lawin, Urduja at marami pang iba dito sa ating bansa.  Marami ang napinsala!  Marami ang namatay! Ang mayayabang, sa pagbubuhat ng sariling bangko, ramdam ang presensya. At kadalasa’y para lamang makapagmalaki, naninira pa ng iba.  Sa ebanghelyo ngayon, i-kwenento ni Jesus ang talinhaga tungkol sa nilalaman ng dasal ng isang Pariseo at tagasingil ng buwis. Puno ng kayabangan ang dasal ng Pariseo! Tulad sa malakas na hangin, nakatuon lamang ang kanyang dasal sa sariling lakas at walang habas na nilalait ang iba, “O God, I thank you that I am not the rest of humanity—greedy, dishonest, adulterous.  At doo’y hindi pa siya nakuntento. Kinumpara pa ang sarili sa tagasingil ng buwis. Ang yabang! Gayunpaman, kung titignan naman natin ang dasal ng tagasingil ng buwis, kabaligtaran naman ito ng dasal ng Pariseo, “O God be merciful to me, a sinner.”  Maigsi pero puno ng puso at kapakumbabaan!  Kapanalig, paano ka ba magdasal? (Rev. Fr. Ramil Tapang, ssp)