Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 29, 2019 – MARTES SA IKA-30 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 13:18-21

Sinabi ni Jesus: “Ano ang katulad ng Kaharian ng Diyos? Sa ano ito maikukumpara? Tulad ito sa buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at itinanim sa kanyang hardin: lumaki, naging parang puno at sumisilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon ng Langit.” At sinabi niya uli: “Sa ano ko ikukumpara ang Kaharian ng Diyos? Katulad ito ng lebadura na kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”

PAGNINILAY:

Ano ang ideya ng karamihan sa maliit, sa karaniwan, sa basic?  Madalas, nating marinig: “Maliit? Karaniwan? Basic? Hayaan mo na! Alam ko na yan, wala na yang dating. Resulta: pinababayaan, tinatapon, tinatadyakan!”  Minsan, sumama ako sa isang miting ukol sa activities para sa paskong darating. Maraming nagmungkahi ng karoling, concert, gayakan ang lugar ng maraming palamuti at marami pang iba… Ang ganda ng mga ideya at umaayon ako! Pero sa kabila ng mga ito, napa-isip ako, “Sana bumalik rin tayo sa maliit, sa karaniwan, sa basic. Halimbawa kung paano pa lalong pag-alabin ang ugnayan sa Diyos? Kung paano pa lalong pagtibayin ang samahan? Hindi natin pwedeng kalimutan o isantabi ang maliit, ang karaniwan, ang basic! dahil tinuturo nito ang pundasyon, ang relasyon. Mga kapanalig, muli tayong pinapaalalahanan ng Ebanghelyo kung paano ipinaparamdam ang kaharian ng Diyos sa tao. Ikinumpara ito sa isang maliit, karaniwan, basic. Ito ang butil ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihagis sa kanyang sariling halamanan; at ito’y sumibol, at naging isang punong kahoy; at dumadapo sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit.  Ang pagpaparamdam ng presensya ng Diyos, lalong lalo na sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesus ay hindi nagsimula sa isang dumadagundong at grandiyosong pagdating. Bagkus, dumating siya sa isang tahimik, maliit, karaniwan, basic: si Hesus na isinilang sa tahimik na gabi; si Hesus na inalagaan, tumira at lumaki sa isang maliit na tahanan; si Hesus na sinamahan at nakipamuhay sa mga tao; si Hesus na tumulong ng tahimik lalong lalo na sa mga mahihirap, binabalewala at maysakit. Sa mga nangyaring ito, walang bakas ng kayabangan at pagpapahayag sa mundo na siya’y sikat at mahirap abutin. Inilatag niya ang pundasyon nang inalay ang sarili sa Krus alang-alang sa pagmamahal na naging sandigan at kaligtasan ng tao. (Rev. Fr. Ramil Tapang, SSP)

PANALANGIN:

Panginoon, sa aking paglilingkod Sa’yo at sa kapwa, huwag ko nawang kalilimutan ang maliit, karaniwan, at basic na magsisilbing pundasyon nang aking pagtatalaga ng buhay Sa’yo. Huwag ko nawang kalilimutang kumapit Sa’yo at maniwala sa mga taong Iyong ipinapadala.  Amen.