Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 31, 2019 – HUWEBES SA IKA-30 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 13:31-35

Dumating ang ilang Pariseo at binalaan si Jesus: “Umalis ka rito at pumunta sa ibang lugar. Gusto kasing ipapatay ni Herodes.” Sinabi naman ni Jesus: “Puntahan n’yo ang musang na ‘yon at sabihin sa kanya: ‘Ngayon at bukas ay nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling at nasa ikatlong araw ang katapusan ko. Ngunit dapat akong maglakad ngayon, bukas at sa susunod na araw sapagkat hindi bagay na mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta. Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang Mga Propeta at binabato ang mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ginustong tipunin ang iyong mga anak gaya ng pagyupyop ng inahin sa kanyang mga sisiw pero tumanggi ka nga. Ngayon, maiiwan sa inyo ang inyong bahay. Sinasabi ko nga sa inyo na hindi n’yo na ako makikita hanggang di sumasapit ang panahon na sabihin n’yong ‘Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.’”

PAGNINILAY:

“Dali, tumakas ka na! huhulihin at papatayin ka ni Herodes!” Ito ang sabi ng mga ilang Pariseo kay Hesus. Animo’y maririnig mo ang malasakit. Ang galing naman kung gayun. Pero ang tanong, “Ganun nga ba talaga?” Kapag titignan mo muli, parang hindi tunog malasakit, kundi tunog demonyo. Balikan natin ang panahon noong tinutukso ng demonyo si Jesus doon sa Disyerto? Hindi nagtagumpay ang demonyo. Pero hindi ibig sabihin, tapos na siya. Gusto talagang niyang pigilan ang pagliligtas na gagawin ni Hesus sa sangkatauhan. Kaya nga sa ebanghelyo ni San Lukas, “naghanap ulit siya ng pagkakataon.” Maaaninag ang isa sa mga “pagbabalik” ng demonyo sa mga bibig ng ilang Pariseo na nagsasabi kay Hesus, “Tumakas ka na! masasaktan ka lang! Kalimutan mo na ang iyong misyon. Huwag mo nang iligtas ang tao!” Pero alam naman natin na hindi tinalikuran ni Hesus ang misyon. Hinarap niya ito at iniligtas ang tao.  Mga kapanalig, ano nga kaya ang mangyayari kung tumakas si Hesus at tinalikuran ang kanyang misyon? Naku! Hindi ko kayang isipin na magagawa ito ng ating Panginoon dahil sobra ang pagmamahal niya sa atin kaya niyakap Niya ang krus upang tubusin tayo sa kasalanan at walang hanggang kapahamakan. Kaya sa mga dinaranas nating pagsubok sa buhay, na kung minsan sobra na tayong nasasaktan at naiiyak sa kawalan ng pag-asa, tularan natin ang  pananalig ng Panginoong Jesus na may sapat na tiwala sa Diyos Ama. Tandaan mo, hindi ka nag-iisa sa laban. May kasama ka, may kakampi ka, kapit lang. Amen. (Rev. Fr. Ramil Tapang, SSP)