Daughters of Saint Paul

MAY 3, 2020 – IKA-APAT NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY | Linggo ng Mabuting Pastol

EBANGHELYO: Juan 10:1-10

Sinabi ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, ang hindi dumadaan sa pintuan sa pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumulukso sa ibang dako ay magnanakaw at mandarambong. Ang pastol ng mga tupa naman ay pumapasok sa pintuan. Binubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig; at tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kanilang ngalan at inilalabas niya sila. Kapag nailabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang tinig niya. Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan, kundi tatakasan nila siya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng dayuhan.” Ito ang talinhagang sinabi sa kanila ni Jesus. Ngunit hindi nila naintindihan kung ano ang gusto niyang sabihin sa kanila. Kaya sinabi uli ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako ang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw lamang at mandarambong ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya at papasok at lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Ang magnanakaw ay hindi dumarating kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Simula nang ma-lockdown tayo noong 2ndweek ng March, mas lalong umigting ang invitation sa atin ni Jesus. Imbitasyon na manatili sa kanya. Kaya ipinapakilala Niya sa atin na Siya ang Gatekeeper. Siya ang Bantay-pinto. Tinatanaw kahit malayo pa tayo… Kung tutuusin, galing naman tayo sa Kanya, inilalabas lang para lumawak ang experience natin at maging handa para sa pagbalik natin sa Kanya.  Bukod pa rito, sa pagdiriwang natin kay Jesus bilang Mabuting Pastol ng ating buhay. Hinihikayat din Niya tayong maging makabuluhang pastol sa isa’t isa. Nasimulan na natin noong isang buwan. Nag-aalay ng panalangin, nagbabahanginan ng pagkain, nagpapamudmod ng facemasks, naglilingkod sa isa’t isa. Kaya naman natin ito, di ba? Kaso, nakakalimot lang tayo. Kaya ngayong Linggo, bumalik tayo sa essentials ng buhay: Ang tunay na makilala ang Panginoon bilang Mabuting Pastol. Dalisay natin Siyang mahalin, at paglingkuran Siya ng buong kalooban at pag-iisip.