Daughters of Saint Paul

MAY 4, 2020 – LUNES SA IKA-APAT NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 10:11-18

Sinabi ni Jesus: “Ako ang mabuting pastol. Ang mabuting pastol ay nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa mga tupa. Ang upahan at hindi pastol, na hindi naman kanyang sarili ang mga tupa, pagkakita niya sa asong-gubat na dumarating, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas. Kaya’t inaagaw ng asong-gubat ang mga ito at pinangangalat. Sapagkat upahan siya at wala siyang malasakit sa mga tupa. “Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang mga akin at kilala ako ng mga akin, gaya ng pagkakakilala sa akin ng Ama, at nakikilala ko ang Ama. At iniaalay ko ang aking buhay para sa’king mga tupa.” “May iba akong mga tupa na di naman mula sa kulungang ito. sila may kailangan kong gabayan, at makikinig sila sa tinig ko at magkakaroon ng iisang kawan at iisang pastol. “Mahal nga ako ng Ama sapagkat hinuhubad ko ang aking buhay at muli ko itong kukunin. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi ako ang naghuhubad nito nang kusa. May kapangyarihan ako upang hubarin ito, at may kapangyarihan din ako upang kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap ko mula sa aking Ama.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  “Ako ang Mabuting Pastol”, wika ni Jesus sa narinig nating ebanghelyo.May dalawang katangian ang mabuting pastol: Una, iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay alang alang sa mga tupa (v11). Pangalawa, nakikilala ng mabuting pastol ang kanyang mga tupa at kilala rin siya ng mga ito (v14). Meron pang  karagdagang katangian na binanggit si Jesus, na gawain ng mabuting pastol. Dahil kilala ng mabuting pastol ang lahat ng kanyang tupa, alam niya kung sino ang wala pa sa loob ng kanyang kawan. Inaalala rin niya sila at ninanais na ipunin sila at isama sa kanyang kawan. Ito rin ang sinasabi sa unang pagbasa. Biniyayaan din ang mga Hentil ng Espiritu Santo at pinagkalooban sila ng pagsisising nagbibigay buhay.Mga kapatid, napakaganda ng aral na itinuturo sa atin ng mga pagbasa ngayon. Una, matatawag ding pastol ang isang pinuno. Kaya mahalagang kilala niya ang kanyang mga nasasakupan hindi lamang sa mukha kundi sa pangalan, kakayahan at maging kahinaan. Pangalawa, ang mabuting pastol o pinuno ay handang magsakripisyo para sa kapakanan ng kanyang kawan. Inuuna muna niya ang kabutihan ng lahat kesa sa kanyang sarili. At pangatlo, mahalaga sa kanya ang bawat kasapi; malaki o maliit man ang naiaambag nitong kabutihan sa kawan. Ikaw kapatid,taglay mo ba ang katangian ng isang mabuting pastol?