EBANGHELYO: Juan 10:22-30
Piyesta ng pagtatalaga sa Jerusalem, at taglamig noon. Palakad-lakad si Jesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang tahasan.” Isinagot sa kanila ni Jesus: “Sinabi ko na sa inyo subalit ayaw ninyong maniwala. Nagpapatotoo sa akin ang mga gawang ginagawa ko sa ngalan ng aking Ama. Subalit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. “Naririnig ng aking mga tupa ang aking tinig, at nakikilala ko naman sila, at susunod sila sa akin. Buhay na walang hanggan ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa aking mga kamay. Mas dakila kaysa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami ng aking Ama.”
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, mula sa panulat ni Fr. Albert Garong ng Society of St. Paul. “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin ng malinaw!” Parang ang demanding ng tanong, di po ba? Pero aminin man natin o hindi, lahat tayo, sa iba’t ibang bahagi ng ating buhay, ay minsan na ring nakapagsalita sa Diyos ng ganito. Di ba minsan kung kailan tayo ay pinaka-naguguluhan, kung kailan halos lamunin na ng dilim, takot, at pangamba ang ating mga puso, tila doon pa lalong nawawala ang tinig at presensya ng Diyos. O kung meron man syang nasabi, kagaya ng nasa bibliya, parang hindi malinaw o “directly applicable” sa ating pinagdadaanan. Kaya sabi natin sa kanya: Lord, pakilinaw naman po! Pero, gaya ng paalala ni Hesus sa ating ebanghelyongayong araw, kailanma’y hindi siya nagkulang sa paggabay sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Puspos tayo ng grasya ng Diyos, pati na ang buong mundo! Pero para tayo lubusang makinabang dito, kailangan tayo’y mapabilang sa kanyang mga tupa. Paano? Simple lang. Ang tupa at ang pastol ay may malalim o intimate na relasyon. Malalim ang kanilang pagkakakilala sa isa’t isa. Ganun din dapat tayo sa ating Panginoon. Maglaan tayo ng panahon para manalangin at makinig sa kanya. Basahin ang bibliya at pagnilayan ito palagi, at sikaping sundin ang kanyang mga utos—sa araw araw. Dapat ang Diyos parang Ama, Kapatid, at Kaibigan natin. At sa pamamagitan nito, ’di lang tayo malilinawan, kundi’y mas magagawa din nating tuparin ang kanyang nais, at lakarin ang daan na kanyang inilaan para sa atin.
