Daughters of Saint Paul

MAY 6, 2020 – MIYERKULES SA IKA-APAT NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 12:44-50

Malakas na sinabi ni Jesus: “Ang naniniwala sa akin ay hindi sa akin naniniwala kundi sa nagsugo sa akin. Ang nakakasaksi sa akin ay nakakasaksi sa nagsugo sa akin. “Dumating ako sa mundo bilang liwanag upang hindi sa dilim manatili ang bawat naniniwala sa akin. Kung may nakakarinig ng aking mga salita at hindi ito iingatan, hindi ako ang humahatol sa kanya, sapagkat hindi ako dumating upang hukuman ang mundo kundi upang iligtas ang mundo. “May huhukom sa bumabalewala sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita. Ang salitang binigkas ko ang huhukom sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nangusap sa ganang sarili; ang nagsugo sa akin, ang Ama, siya mismo ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin ko at paano ako magsasalita. Alam ko na buhay na walang hanggan ang utos niya. Kaya lahat ng binibigkas ko’y binibigkas ko gaya ng sinabi sa akin ng Ama.”

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul! Naghahanap ka ba ng direksyon sa buhay? Kung “oo” ang sagot mo lumapit ka sa liwanag. Ang liwanag ang isa sa pinakamahalagang biyaya na natanggap natin sa Diyos. Alam natin na maraming benipisyo ang sikat at liwanag ng araw. Mabuti ito sa ating kalusugan. Maraming uri ng pagkain ang na pre-preserve sa pamamagitan ng pagbibilad ng mga ito sa ilalim ng araw. Sa gabi naman, gumagamit tayo ng ilaw upang makagawa tayo ng maayos o kaya’y makita ang direksyon ng ating pupuntahan.// Dahil dito laging ginagamit ang liwanag bilang imaheng kumakatawan sa buhay. Maari ring sabihin na kung saan may liwanag, mayroong buhay. “Ako ang Liwanag,” sabi ni Hesus sa Mabuting Balita. “Hindi mamamalagi sa dilim ang bawat nananalig sa akin.” Sa madaling salita, buhay ang mga Salita ng Panginoon. Kaya kung nais natin ng isang tunay na gabay sa isang nakakalitong sitwasyon, inaanyayahan tayo ni Hesus na tanggapin Siya at ang liwanag ng Kanyang mga Salita.// Mga kapatid, sa mga naghahanap ng direksyon sa buhay, lumapit kay Hesus. Siya ang maningningna liwanag sa gitna ng matinding kadiliman dulot ng pagkalito. Makakaasa tayo na naroon ang Panginoon dahil napagdaanan at napagtagumpayan nito ang lahat ng uri ng kadiliman na ating nararanasan, kahit na ang kadiliman pa na dulot ng kamatayan. Kaya kung nais nating mapagtagumpayan din ang isang madilim na landas na tinatahak, matuto tayong makinig at magtiwala sa buhay na Salita ni Hesus. Ito ang magbibigay ng tamang direksyon; magsisilbing ilaw at gabay natin hangga’t makalabas tayo sa kadiliman at maranasan namang muli ang liwanag ng buhay.// 

PANALANGIN:

Panginoon, tinatanggap ko ng buong-puso ang iyong mga Salita. Maging liwanag nawa ito ng aking buhay nang sa gayon hindi ako mananatili sa dilim, kundi magkaroon ng buhay na ganap, gaya ng ipinangako mo sa mga naniniwala sa iyo at sa iyong mga Salita. Amen.