Daughters of Saint Paul

MAY 9, 2020 – SABADO SA IKA-APAT NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 14:7-14

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit kilala na ninyo siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot naman sa kanya si Jesus: “Diyata’t matagal na panahon na ninyo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Papano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin ninyo sa Ngalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki’y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.”  

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  “Close” ka ba sa Diyos, o “Feeling Close” lang. Ano ba ang kaibahan? Kapag sinabi mong “close” ka sa isang tao, hindi ba halos lahat ng katangian nya ay meron ka na din? Pareho na kayo ng mga hilig, mannerisms, values, opinion at pananaw sa buhay. Minsan nga nagiging magkamukha na talaga kayo. Kapag “feeling close” lang, akala mo nagkakaintindihan na kayo pero ang totoo “akala” lang ang lahat. Hindi mo naman sinubukang pasukin ang isip at puso ng taong sinasabi mong ka-“close” mo. Nakatuon lang ang atensyon mo sa sarili mong pananaw o kung ano ang gusto mong paniwalaan. Si Jesus ay hindi lang basta “close” sa Diyos Ama kundi iisa na sila. Kay Jesus ipinakita, ipinarinig, at ipinaramdam ng Diyos Ama sa atin ang Kanyang presensya at kapangyarihan. Sa katunayan maging ang masasamang espiritu ay napapalayas sa pamamagitan lang ng pagsambit ng pangalan ni Jesus. 

PANALANGIN:

Panginoong Jesus, nawa ang aming isip, puso at buong pagkatao ay maging kaisa mo at ng Diyos Ama, at Diyos Espiritu Santo upang maging mga buhay na saksi kami ng inyong pag-ibig sa aming kapwa-tao. Amen.