Daughters of Saint Paul

HUNYO 2, 2020 – MARTES SA IKA-9 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 12:13-17

Gustong hulihin ng mga Judio si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo kasama ng mga kampi kay Herodes. Nilapitan niya siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napadadala sa iba. Hindi ka nagsasalita ayon sa kalagayan ng tao  kundi tunay na tinuturo ang daan ng Diyos. Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar?” Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” “Ang Cesar.” “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Lubha silang namangha sa kanya.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Cleric Sebastian Gadia III ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Isa ang Pilipinas sa may malaking populasyon ng mga binyagang Kristiyano-Katoliko sa buong mundo. Taas noo natin itong ipinagmamalaki!  Pero ang nakakalungkot isa rin tayo sa mga bansang may mataas na bilang ng krimen, talamak ang korupsyon, patayan, dayaan tuwing halalan, paninirang puri at pakikiapid. Ang tanong, anyare? Bakit hindi nakikita sa totoong buhay ang pananampalataya?  Sa ating ebanghelyo ngayon, tinuturuan tayo ni Hesus na isabuhay natin ang ating pananampalataya; habang sinusunod din natin ang batas na itanakda ng tao.  Ibigay ang nararapat na papuri sa Diyos, at ibigay ang nararapat kay Cesar.  Napapapurihan natin ang Diyos kung naisasabuhay natin ang Kanyang awa at pag-ibig; at kung nagiging daluyan tayo ng biyaya at malasakit sa ating kapwa.  At naibibigay naman natin ang nararapat kay Cesar, kung sumusunod tayo sa ipinatutupad na tuntunin ng pamahalaan, para sa kaayusan pamayanan at ikabubuti ng nakararami.  Hindi dapat magkahiwalay ang pagiging maka-Diyos at pagiging makatao!  Mga kapatid, kung sumusunod tayo sa Batas at utos ng Diyos bilang tanda ng ating papuri at pagmamahal sa Kanya, sumunod din tayo sa batas ng tao para sa kaayusan, kapayapaan at pangkalahatang kabutihan ng pamayanan.

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan Mo po akong makatugon sa panawagan ng Ebanghelyo para sa araw na ito. Amen.