Daughters of Saint Paul

HUNYO 1, 2020 – LUNES SA IKA-9 NA LINGGO NG TAON | Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Iglesya

EBANGHELYO: Jn 19:25-34

Nangakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae na ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa kanyang mahal na alagad na nagkatayo sa tabi, sinabi niya sa ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, nakita ni Jesus na natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang isa pang kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniit nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo, ibinigay niya ang espiritu. Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Pagsapit naman nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig.

PAGNINILAY:

Ang Kapistahan ng Mahal na Birhen bilang Ina ng Iglesya ay bago sa kalendaryo ng ating liturhiya. Bagamat sa kapanahunan pa ni San Ambrosio ng Milan, bahagi na ng pananampalatayang Kristiyano ang pagturing sa Mahal na Birhen bilang Ina ng Iglesya.  Sa Ebanghelyo natin ngayon, narinig natin na inihabilin ni Hesus kay Juan – na kanyang alagad – si Maria bilang kanyang ina, sa paanan ng krus.  Mula noon, naging ina na ng Iglesya si Maria.  Ina, ng mga unang alagad ni Kristo, at Ina din natin na mga bininyagan sa pananampalatayang Kristiyano. Mga kapatid, ipinapaalala sa atin ng Kapistahang ito ang tagubilin ni Hesus:  “Hayan ang inyong ina,” na dapat igalang, hingan ng tulong at pagsubaybay bilang kanyang mga anak – kapatid at mga alagad ng kanyang bugtong na anak. Kaya sa panahong ito ng matinding pagsubok na pinagdadaanan natin dulot ng covid-19, hingin natin ang tulong panalangin ng Mahal na Birheng Maria na maiadya tayo sa sakit na ito at matapos na ang pandemya sa lalong madaling panahon. O Maria, Ina ng Santa Iglesya… ipanalangin mo kami.