Daughters of Saint Paul

MAY 31, 2020 – DAKILANG KAPISTAHAN NG PENTECOSTES

EBANGHELYO: Juan 20:19-23

Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Sumainyo ang Kapayapaan!” Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Sumainyo ang Kapayapaan!  Gaya ng pagkaksugo sa akin ng Ama, gayon ko rin kayo ipinadadala.” At pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at panatilihin naman sa sinuman ang inyong panatilihin.”

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul. Masusukat ang galing ng isang guro kung ang kanyang mga estudyante ay natuto. Noon, sa amin, tuwang-tuwa ang mga teachers namin kapag nakikita nila kaming namamasyal ng Nanay namin. Sabi nila sa aming Nanay, “mabuti ka pa Azon nakapatapos ka na ng mga anak”. Sagot naman ng aming nanay, “sa awa ng Diyos”! Sasabihin ko naman, “kase po Ma’am magaling kayong teacher”. At makikita ko sa mukha ng teacher namin, ang tuwa sa kanyang mga mata. Sa Ebanghelyo ngayon, isinugo ni Jesus ang mga alagad. Siya na unang humubog sa mga alagad ay nagsusugo ngayon, upang magpatawad sila ng mga kasalanan. Sa pagsusugo, binigyan ni Jesus ng sandata ang mga alagad, ang Espiritu Santo. Sa pag-sunod kay Jesus, dapat magkaroon ng kapayapaan ang kanilang mga puso. Dalawang beses binanggit ni Jesus ang kapayapaan sa Ebanghelyo. Ito para sa akin ang patunay, na nililimot na ni Jesus ang kanilang kahinaan sa pag-iwan at pagtakwil nila sa kanya. Ngayon na magsisimula na ang kanilang misyon, kapayapaan ang ibinibigay ni Jesus. Sa ating mga nais na maglingkod at magpatuloy sa pananampalataya kay Jesus, maranasan nawa natin at yakapin, ang kapayapaang dulot ng pagmamahal ni Jesus. Siya ay nabuhay at patuloy na mabubuhay, kung tayo ay patuloy ding sasaksi sa tagumpay ni Jesus. Patuloy tayong sumaksi sa pag-ibig ng Diyos. Amen. Amen.