Daughters of Saint Paul

HULYO 15, 2020 – MIYERKULES SA IKA-15 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Mt 11:25-27

Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita, Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Ang Mabuting Balitang narinig natin ay ang unang tatlong bersikulo ng Mabuting Balita noong nakaraang Linggo kung saan sinabi ni Jesus na inilihim ng Diyos Ama sa marurunong ang tunay na mensahe ng Mabuting Balita at inihayag naman ito sa mga taong may kaloobang tulad ng sa bata. Madalas na nangangaral si Jesus sa pamamagitan ng mga parabola. Ang mga parabola ay mga kwento ng pangyayari sa ordinaryong buhay na kapupulutan ng mabubuting aral na madaling maintindihan ng mga karaniwang tao. Para sa marurunong tulad ng mga Pariseo, Saduseo at mga dalubhasa sa batas, walang halaga ang mga itinuturo ni Jesus dahil parang kwentong pambata lang ang mga ito, mababaw at walang espiritwal na halaga. Hindi nila makita ang katotohanan sa mga ipinangangaral ni Jesus dahil ayaw nilang makinig at maniwala. Punung-puno sila ng sarili nilang kaalaman kaya walang puwang sa isip at puso nila ang mga sinabi ni Jesus. Nang lumaganap ang sakit na Covid 19 at umabot nang mahigit na anim na milyong tao ang nagkasakit nito, at mahigit kumulang tatlong daang libo ang namatay sa iba’t ibang paning ng mundo, walang nagawa ang kaalaman at kapangyarihan ng mayayamang bansa upang sugpuin ito. Maging ang mga lider na noo’y hindi kumikilala sa kapangyarihan ng Diyos ay napaluhod at nanghikayat sa mga taong magdasal. Kailangan ba talagang magkaroon pa ng pandemya para maalala natin ang Diyos? 

PANALANGIN:

Panginoon, patawarin po ninyo kami dahil nakalimot kami sa inyo. Masyado kaming naging abala sa mga makamundong bagay, mga bagay na inaakala naming mas importante kesa sa inyo. Patawarin po ninyo kami kung masyado kaming umasa sa sarili naming karunungan at kakayahan. Matuto nawa kami sa aming mga pinagdaanan nitong mga nakaraang buwang pakikibaka sa Covid 19. Hinihiling po namin ang pagbabalik-loob at paghilom ng sangkatuhan. Amen.