EBANGHELYO : Mt 11:28 –30
Sinabi ni Jesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Mr. Edwin Valles ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Ang bayanihan ay isa sa mga natatanging bahagi ng kulturang Pilipino. Kamakailan lamang, minimungkahing sabay sabay nating harapin ang COVID19 sa slogan na “We heal as one.” Katulad ito ng tradisyonal na pagsasalarawan ng bayanihan kung saan sabay sabay nagbubuhat at nagtutulungan ang mga magkakapit bahay. Tungkol sa pagbubuhat rin ang mga wikang binigkas ni Hesus sa Ebanghelyo ngayong araw na ito. Ang pamatok o yoke na binanggit ni Hesus ay yung ginagamit sa pagbubungkal ng lupa at pinapatong sa mga manggagawa o sa mga hayop. Pero ang konteksto ng pamatok o yoke na ito ay yung pangdalawahan. Parang sa bayanihan, upang maging mabilis at madali ang pagbubuhat, dapat sabay sabay lahat at iisa lang ang patutunguhan ng mga magkakapit bahay. Ganun din ang paanyaya sa atin ni Hesus. Inaanyayahan niya tayong sumabay sa kanya sa pagpasan ng ating buhay. Kung sasabay tayo sa kanya sa pagbubuhat, sadyang mainam ito para sa atin at lubos na magiging mapayapa. Pero kung ang ating pagbuhat ng ating mga dalahin ay taliwas sa kanya at sa kung saan siya patungo, tayo mismo ang masasaktan at mahihirapan. Mga kapatid, ang buong sanlibutan ay umaagos at gumagalaw sa ritmo ng Panginoon. Kung hindi tayo sasabay dito, sadyang maraming balakid at hirap ang ating haharapin. Ang Krus ang pinaka sukdulang halimbawa ng pamatok na nais niyang ipapasan sa atin. Andun sa Krus si Hesus para sa ating kaligtasan. Samakatwid, pinaka mararanasan natin ang kanyang presensya sa mga krus na ating dinadala. Inaanyayahan niya tayong hanapin siya sa lahat ng ating mga pasanin at sabayan siya sa kung saan niya tayo gustong dalhin. Ngayong araw rin po ang kapistahan ng ating mahal na Ina ng Carmel. Ang brown scapular ng Carmel ay magandang simbolo ng pagpatong sa atin ng grasya ng Panginoon na siyang pinapaalala sa atin ni Maria. Sadyang mabuti at magaan ang pagpasan ng grasya ng Panginoon.
