Daughters of Saint Paul

HULYO 17, 2020 – BIYERNES SA IKA-15 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Mt 12:1-8

Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kainin ‘yon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi n’yo ba nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi n’yo ba nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito? Sinasabi ko naman sa inyo: Dito’y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan niyo talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,’ hindi n’iyo sana hinatulan ang walang-sala. At isa pa ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa Ebanghelyo ngayon tinuligsa si Jesus ng mga Pariseo kung bakit gumagawa ng ipinagbabawal sa araw ng pamamahinga. Para sa mga Pariseo ang batas ay batas at dapat tuparin at sunurin lalo na sa araw ng pamamahinga. Merong batas si Jesus na hindi nila maunawaan at inintindi – ang batas ng pag-ibig ng Diyos. Hindi naman iniaalis ni Jesus sa kanila ang tuparin ang kanilang batas.  Pero sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ni Jesus, may batas na mas higit sa batas na sinusunod ng mga Pariseo, ito ay ang batas ng pag-ibig ng Diyos.  Ang batas ni Jesus ay habag at pang-unawa. Ang hamon sa atin ng batas ni Jesus ay bigyang halaga ang kapwa sa ating paglilingkod. At huwag matakot na ibuwis ang ating buhay para sa iba. Mga kapatid, suriin natin sa ating panahon ngayon, nangingibabaw ba ang pag-ibig sa pagtupad natin ng batas? Batas ba ito na magbibigay tulong sa mga mahihirap at kapus palad? Batas ba ito na magtataas ng moral ng tao o lalong magpapahirap sa pangkaraniwang mamamayan? Hilingin natin sa Diyos na mapanindigan nawa natin hanggang sa wakas ng ating buhay ang batas ng Kanyang pag-ibig. Amen.